ANG mga nangyaring bayolenteng pagsabog sa Mindanao kamakailan, partikular na ang naganap sa Mt. Carmel Church sa Jolo, ay muli na namang nagbigay-diin sa mabuway na kapayapaang umiiral sa Mindanao, at panganib sa mga simbahan at iba pang lugar sambahan mula sa mga walang katuturang pag-atake.
‘Tila hindi sangkot sa motibo ng trahedya laban sa relihiyon at sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ang pagpapasabog na kumitil ng 22 buhay sa Jolo, ngunit ang kaguluhang nilikha nito ay kumalampag sa herarkiyang Katoliko, kaya naglabas agad ang mga pinuno nito ng mga panuntunang pangseguridad.
Ang mga regulasyong inilatag ng mga Obispo, malungkot mang sabihin, ay nagdulot ng kaguluhan, kalituhan at kahirapan sa mga mananampalataya. Hindi na pahihintulutang pumasok sa simbahan ang mga parokyanong may dalang bag o anumang maaaring pagtaguan ng mga peligrosong bagay. Diumano’y mga pitaka na lamang ang maaari nilang dalhin.
Sa ilalim ng gayong alituntunin, paano na ang mga kababaihan, lalo na ang mga inang may maliliit na anak na karaniwang nagdadala ng mga lampin, bibiron, bote ng gatas at iba pang personal na kagamitan. Hindi na nga sila kakapkapan o dadaan sa pagsusuri dahil kaagad silang paaalisin.
Bukod sa mga nanay, paano naman ang mga obrero na nagdadala ng kanilang mga kasangkapan, para mapadali ang kanilang pagsimba, o mga guro na bitbit ang mga aklat at ‘test papers’ ng kanilang mga estudyante para trabahuhin sa bahay? Ganu’n din ang mga empleyadong may dalang baon na pagkain na nakasiksik sa kanilang mga bag at magsisimba muna bago pumasok sa kanilang trabaho.
Totoong dapat kaligtasan muna ang una sa panahon ng matinding pagbagbanta sa buhay at kaligtasan. Gayunman, naiwasan sana ang insidente sa Jolo kung naging mahigpit ang mga protocol na pangseguridad. Ang kabiguang magtalaga ng mga babaeng pulis o sundalo para kapkapan ang mga babaeng nagsisimba ay matinding pagkakamali sa gitna ng mga ‘intelligence reports’ tungkol sa umano’y mga bantang pag-atake sa mga simbahan.
Hindi katanggap-tanggap na naging biktima pa ng mahinang seguridad ang mga mamamayan. Kung sana ay nagtalaga agad ng mga guwardiyang pulis at militar para masikhay na sinuri ang mga dala ng mga parokyano, hindi sana naganap ang trahedya.
Nakalulungkot na nailatag lamang ang mga protocol na pangseguridad pagkatapos ng trahedya. Sana’y may natutuhan tayong mga aral sa insidente sa Jolo. Dapat ngang inspeksiyuning mabuti ang mga dala ng mga nagsisimba sa Mindanao para maiwasan ang mga naghahasik ng kasamaan at kapahamakan sa mga mamamayan.
-Johnny Dayang