Patay ang apat na katao habang sugatan ang anim na iba pa, kabilang ang dalawang rumespondeng pulis, sa shooting spree incident sa isang subdibisyon sa Teresa, Rizal, nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Rizal Police Provincial director, Police Senior Supt. Lou Frias Evangelista, pawang dead on the spot sina Ruben Francisco, Wilfredo D. Lukban at Celso Bernales, habang sa ospital binawian ng buhay si Marvin Miotin, pawang residente ng naturang lugar.
Sugatan naman at nilalapatan ng lunas sina Joel Gasingan, Darwin Alvarez, Edrick John Borak, Renato Dacuya at mga rumespondeng pulis na sina PO3 Emiliano Pantaleon at PO1 Elueterio Mina, kapwa nakatalaga sa Teresa Municipal Police Station.
Samantala, naglunsad na ng manhunt operation laban sa itinuturong suspek sa krimen na si John Albert Araojo, na tatlong buwan pa lamang umanong nakikitira sa bahay ng kanyang tiyuhin sa naturang lugar.
Sa ulat ng Teresa Municipal Police Station, katatapos lamang makipag-inuman at makipagkuwentuhan ng suspek sa kanyang tiyuhin at mga pinsan nang maganap ang pamamaril sa Carissa Homes East-1, sa Barangay Bagumbayan, sa Teresa, dakong 6:05 ng gabi.
Sa 'di pa batid na dahilan, biglang tumayo ang suspek at pinagbabaril, gamit ang 'di pa batid na kalibre ng baril, ang kapitbahay nilang si Francisco sa tapat ng tahanan nito sa Block 3, Lot 48.
Umalis ang suspek sa pinangyarihan at nang makita si Lukban ay agad din itong pinagbabaril.
Isang motorsiklo, na minamaneho ni Nenita Gatdula, 57, ang sapilitang tinangay ng suspek upang tumakas, ngunit habang tumatakas ay binaril din ng suspek ang nakasalubong na tricycle driver na si Bernales, na noon ay nag-aabang lamang ng pasahero sa terminal.
Nakarating kina PO3 Pantaleon at PO1 Mina ang insidente at rumesponde.
Gayunman, habang papasok na sa subdibisyon ay pinagbabaril din sila ng suspek.
Kahit sugatan, pinagbabaril ng mga pulis ang suspek, ngunit nagawa pa ring humarurot patungo sa direksiyon ng Morong, Rizal.
'Di pa nakuntento, binaril din ng suspek si Dacuya sa CHE1 TODA terminal sa nasabi ring subdibisyon.
Tinutugis ang suspek at inaalam ang motibo nito.
-Mary Ann Santiago