KASALUKUYANG nasa United Arab Emirates (UAE) si Pope Francis, ang unang santo papa na nakatapak sa bahagi ng Arabian Peninsula. Ang UAE ay isa sa maliit na estado ng mga Arabo—kasama ng Kuwait, Bahrain, Qatar, Yemen, at Oman—sa Persian Gulf at Arabian Sea sa silangan at timog ng dambuhalang Saudi Arabia.
Maraming overseas Filipino workers (OFW) ang naninirahan at nagtatrabaho ngayon sa UAE at sa iba pang bahagi ng Arab states—na isa sa mga dahilan kung bakit natin kinakikitaan ng interes dito sa Pilipinas ang pagbisita doon ng santo papa. Ang bahaging ito ng mundo ang kumakanlong sa pinakamaraming OFW higit sa anumang bahagi ng mundo, kabilang ang Amerika at Europa.
Nitong Lunes, dumalo si Pope Francis sa isang inter-faith conference at pinangunahan kahapon ang isang papal mass sa Abu Dhabi, ang kabisera ng UAR at tahanan ng humigit kumulang isang milyong mga Katoliko, karamihan mula sa India at sa Pilipinas. Tinanggap ng Santo Papa ang pagkakataon na makatapak sa Arabian Peninsula, na inilarawan niya bilang isang bagong pahina sa kasaysayan ng ugnayan ng dalawang relihiyon.
“Faith in God does not divide,” sinabi niya sa kanyang paunang video message bago ang kanyang makasaysayang pagbisita. “It draws us closer despite differences. It distances us from hostilities and aversion.”
Sa kasalukuyan, US ang nananatiling paboritong inaasam ng mga Pilipino na naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa, ngunit dahil sa mabilis na pagbabago ng ekonomiya sa mga bansa sa Gitnang Silangan, sila ngayon ang tumatanggap ng pinakamalaking bilang ng mga OFW sa mundo.
Marami sa mga OFW sa Gitnang Silangan ay mga Muslim mula Mindanao ngunit malaking bilang din dito ang Katoliko Kristiyano mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Ang UAR, kasama ng Kuwait ang sinasabing pinakabukas sa ibang mga relihiyon sa mga bansa sa Gulf. Ngunit ang Kristiyano at iba pang hindi Muslim na lugar sambahan ay ipinagbabawal sa Saudi Arabia kung saan matatagpuan ang pinakabanal na lugar ng Islam—ang Mecca at Medina. Kaya naman hindi malayang naisasabuhay ng mga Kristiyanong OFW ang kanilang pananampalataya.
Inaasahan na ang makasaysayang pagbisita ni Pope Francis sa UAR ay magbibigay daan para sa isang inter-religious dialogue sa rehiyon. Na magiging unang hakbang tungo sa higit na kalayaan sa pananampalataya, na naipagkakait sa maraming Filipino overseas workers ngayon, dagdag na pasanin sa hirap na kanilang hinaharap sa pagsisikap nilang masuportahan ang kanilang naiwan sa bansa.