NANINDIGAN ang Sulu na hindi ito sasama sa itinatatag na Bangsamoro sa Katimugang Mindanao. Hindi pa natutunaw ang kandila sa Cathedral ng Sulu ay dalawang bomba ang sumabog dito noong Linggo, sa kasagsagan ng pagsamba doon. Tinatayang 20 katao ang nasawi, kasama ang ilang sundalo, habang 80 pa ang sugatan. Maraming espekulasyon kung aling grupo ang may pakana sa tinaguriang “terrorist act”.

Kung napapailalim ang buong Mindanao sa martial law, dapat nang gamitin ang kamay na bakal upang habulin, bawiin, at ipahuli ang lahat ng ilegal na armas sa rehiyon. Hindi na natin papayagan na dalawang batas ang maghari sa ating Republika. Batas na mahigpit na ipinapatupad sa Luzon at Visayas at pinalabnaw sa Mindanao. Kailangang ipalisensya at iparehistro na ang mga nakatagong armas doon. Anong silbi ng martial law kung nananatiling gabundok ang matataas na kalibre ng baril sa Mindanao? Kailan pa natin lalagariin ang pangil ng mga iyan, kasama ang mga private army?

Ngayong nanalo na sa plebisito ang Bangsamoro Organic Law (BOL) na itinutulak ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), panahon na talagang ilabas din nila ang kanilang mga sandatang pandigma at pormal nang ma-lisensyahan ng pamahalaan. Tinawagan ko ang ilang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) na kilala at malapit kay Chairman Nur Misuari at nakipagpalitan ako ng kuro-kuro hinggil sa naganap na pambobomba. Wika nila, hinihintay nilang makipag-usap kay Presidente Rodrigo Duterte at umaasa silang magkakatotoo ang planong federal government.

Sa isip ko lang, kung magkakaganoon man, bakit minadali pa ang BOL? Kung maaaring maghintay ang MNLF, bakit kara-karakang isinabatas ang BOL? Hindi ba makapaghimpil ang MILF para sa federalism? Sa lakad ng itatayong Bangsamoro Transition Commission na karamihan ay patakbuhin ng MILF sa loob ng tatlong taon, at P50 bilyong pisong dag-dag pondo taun-taon, nawika ko sa kausap kong MNLF: “Bibilhin ang mga Tausog para bumaligtad!”

Ang inaasahan ng MNLF na dalawang federal state ay isa para sa mga Maranaw, Maguindanao, at iba pa at ang isa naman ay para sa mga Tausog, Samal, Badjao atbp., na siguradong tututulan ng MILF kasama ng kanilang amo, ang Malaysia. Bakit? Dahil nais ng MNLF na ibalik ang Sabah sa Pilipinas. Gets ninyo na ang laro?

-Erik Espina