MELBOURNE, Australia (AP) — Naisalba ni Naomi Osaka ang tatlong championship points at nagpakatatag sa krusyal na sandali para gapiin si Petra Kvitova ng Chezk Republic, 7-6 (2), 5-7, 6-4 para makopo ang Australian Open title nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Nakamit ng 21-anyos ang ikalawang sunod na major title at tanghaling unang Japanese player na nakakuha ng No.1 ranking sa world.
May pagkakataon si Osaka na makuha ang straight set win tangan ang tatlong match points at abante sa 5-3. Ngunit nabigo si Osaka at tuluyang isinuko ang second set sa nabitiwang 23 puntos sa huling 27.
Tangan ang momentum, nagawang makabanate ni Kvitova sa 1-0 sa third set.
Matapos ang nakadidismayang second set, nagawang maibalik ni Osaka ang momentum at matikas na sinabayan sa rally ang baawat birada ng karibal.
Nagawang makuha ni Osaka ang 5-4 bentahe at sa pagkakataong ito hindi na niya hinayaang mangibabaw ang emosyon para pabagsakin ang karibal at muling tanghaling kampon sa major tournament sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Nakamit niya ang US Open nitong Setyembre laban kay Serena Williams.
Tinanghal si Osaka na unang babae na nagwagi ng magkasunod na woman major championships mula nang magawa ni Williams noong 2014-15 season.