SA nakalipas na siyam na buwan mula nang simulan ng Presidential Electoral Tribunal (PET), na binubuo ng mga kasapi ng Korte Suprema, ang muling pagbibilang sa mga boto para sa bise presidente noong 2016, binilang nang muli ng tribunal ang mga balota na nanggaling sa mga lalawigan ng Iloilo, Negros Oriental, at Camarines Sur.
Ang tatlong probinsiya, na may 1,200 ballot boxes, ay kabilang sa mga pinangalanan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang inihaing protesta laban kay Vice President Leni Robredo. Si Robredo ang idineklarang nagwagi laban kay Marcos, na may 263, 473 botong lamang sa halalang nabanggit. Tinugunan ito ng Bise Presidente ng sariling protest case, na humihiling ng recount sa 30,000 iba pang voting precinct kung saan nagwagi si Marcos.
Nitong Martes, Enero 22, iniutos ng PET ang suspensyon ng pagsisiyasat sa dalawang voting precinct sa Negros Oriental. Basa ang mga balota sa isang presinto sa lungsod ng Tanjay, at iniutos sa mga revisor na gamitin ang decrypted ballot images. Para naman sa ibang mga lugar ng botohan sa Valencia, napaulat na walang election returns sa ballot box.
Nang sumunod na araw, sinabi ng kampo ni Robredo na pinangungunahan ni Atty. Romeo Macalintal, na nakapaghain na ito ng isang manipestasyon sa PET na ang kampo ni Marcos “did not make a substantial recovery in his designated pilot provinces”. Kinakailangan ang substantial recovery sa tatlong probinsiya, upang makapagpatuloy ang pagsusuring teknikal ng PET sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao, ayon dito.
Kinakailangang magdesisyon ng PET hinggil dito. Kasunod ang pagdedesisyon kung uusad ang kontra-protesta ni Robredo na humihiling ng recount sa 30,000 iba pang presinto. Inabot ng siyam na buwan upang mabilang muli ang mga balota sa 1,200 presinto. Maaari lang nating mataya kung gaano katagal ang gugugulin ng PET sa pagsisiyasat sa kontra-protesta.
Sa mga nagdaang taon ng republikang ito, may apat pang election protest na inihain sa PET—kay Miriam Defensor Santiago laban sa pagkapanalo ni Fidel V. Ramos noong 1992, kay Fernando Poe, Jr. laban kay Gloria Macapagal Arroyo noong 2004, kay Loren Legarda laban kay Noli de Castro noong 2004, at kay Manuel Roxas laban kay Jejomar Binay noong 2010.
Wala sa mga ito ang umusad dahil sa iba’t ibang rason, kabilang ang kabiguan na makapagbayad ng kailangang halaga para sa isang protesta. Ngunit ang pinakamalaking dahilan ay ang kakulangan sa oras para sa tamang pabibilang ng mga boto sa buong bansa. Sa lagay ng nagaganap na pag-usad ng kaso ng Marcoos-Robredo, maaaring hindi pa makukumpleto ang recount bago matapos ang pinaglalabanang termino sa loob ng tatlong taon.
Gayunman, ang kasong inihain sa PET ay naglantad ng ilang iregularidad na dapat nang aksiyunan ng Commission on Election, kahit pa nakabimbin ang kaso. Ang pagkakadiskubre sa walang lamang ballot box sa Negros Oriental, halimbawa. Ang pagkakatuklas sa mga basang balota sa isa pang presinto na hindi na mababasa pa dahil sa hindi tamang pagtatago.
Patuloy tayong maghihintay sa nararapat na desisyon sa kaso ng Marcos-Robredo ngunit pansamantala, dapat nang aksiyunan ng Comelec ang mga iregularidad na natuklasan sa iba’t ibang proseso ng eleksiyon, kabilang ang pagtatago sa mga balota na malaya mula sa anumang posibilidad ng pagkikialam, upang mapanatili ang integridad ng proseso ng halalan, mula sa paghahanda, hanggang sa aktuwal na halalan, sa pagbibilang, at para rin sa posibleng muling pagbilang sakaling may magprotesta.