ISANG buwan na ang nakalipas nang isara ang karamihan ng mga tanggapan ng pederal na pamahalaan ng Amerika at nasa 800,000 empleyado ang nagbakasyon nang walang bayad dahil sa hindi pagkakasundo ng Pangulo ng Amerika at ng Kongreso sa isang usaping malayo sa shutdown—kung pahihintulutan ba ng Kongreso ang hinihinging $5.7 billion ni President Trump upang mabigyang katuparan ang ipinangako nitong magtatayo ng pader sa pagitan ng Amerika at Mexico.
Ang Kongreso—na ang Mababang Kapulungan ay kontrolado na ngayon ng Democratic Party matapos ang midterm election—ay nakapaglaan na ng pondong gastusin para sa buong pederal na pamahalaan, ngunit walang pondo para sa pader ni Trump sa ilalim ng budget ng Department of Homeland Security. Tinanggihan ng President na lagdaan ang panukalang batas para sa buong budget ng gobyerno, na nagresulta sa pagsasara ng daan-daang opisina habang libu-libong pederal na manggagawa ang natengga sa kani-kanilang bahay nang walang suweldo.
Pansamantala, ilang manggagawa ang inalok na magtrabaho sa mga kritikal na posisyon kahit walang bayad, at pinangakuan na lang ng backpay, ngunit makalipas ang isang buwan ng ganitong abnormal na sitwasyon, labis na ikinababahala na ng mga opisyal ng mga pambansang kulungan, puwersa ng pulisya, mga pambansang paliparan, at iba pang pederal na institusyon, ang nangyayari.
Nitong Lunes, naisip ni President Trump ang tinawag niyang isang “common-sense compromise”. Bilang kapalit ng $5.7 billion para sa kanyang pader, nag-alok siya na pansamantalang ititigil ang kanyang pagsisikap na ipa-deport ang mga bata na ilegal na ipinasok sa Amerika, gayundin ang mga migrante mula sa magugulong lugar. Ngunit sinabi ng Democrats na ang hakbanging ito ay hinarang na ng mga hukuman.
Tanging magagawa ng mundo ang sumubaybay sa isyu at mag-isip kung paanong ang Amerika, na nag-iisang military superpower sa planeta ngayon, at ang mayaman nitong bansa, na kaalyado ng napakaraming bansa na may iba’t ibang klase ng kasunduan, ngayon ay isang buwan nang hindi gumaganap sa tungkulin nito. Sa kabutihang-palad, walang pandaigdigang krisis ang nagbabanta sa kapayapaan ng mundo o katatagan sa ngayon.
Maaaring magbago ang sitwasyon anumang oras. Sa maraming bahagi ng mundo ngayon—sa Syria, sa Africa, sa Afghanistan, sa Silangang Europa—may mga sigalot na maaaring mauwi sa matinding kumprontasyon. Ang Amerika, sa ilalim ni President Trump, ay ‘tila hindi na nais magsilbi bilang awtoridad ng mundo, ngunit pinananatiling hawak ng malalaking bansa ang pandaigdigang kapayapaan sa pagsubaybay at pag-alalay sa isa’t isa, at tiyak na kasali rito ang Amerika, na pinakamalaki sa lahat.
Nitong Lunes, nanawagan ang mga gobernador ng ilang estado ng Amerika, kabilang ang Michigan, New York, at Washington, sa administrasyon na payagan silang magkaloob ng mga benepisyo sa mga walang trabahong manggagawa na patuloy na naglilingkod nang walang suweldo, lalo na ang mga nasa seguridad tulad ng mga pulis at mga bilangguan at sa transportasyon kabilang ang mga paliparan.
Ang alok na ito ay sumasalamin sa tumitinding pangamba ng bansa hinggil sa panganib na kinakaharap nito. Ngunit ang mga ito’y panandaliang solusyon lamang. Ang krisis na nilikha ng pagsasara ng maraming opisina ng pederal ay dapat nang maresolba ng mga opisyal ng bansa—si President Trump at ang mga miyembro ng Kongreso—na ngayon ay nag-aaway dahil sa walang kaugnayang isyu ng pagpopondo para sa isang pader.