SA isang ideal na mundo, hindi na kinakailangan ng “world policeman” upang magkaroon ng kapayapaan. Pagtutuunan ng bawat bansa ang pagpapaunlad, manatili sa kani-kanilang teritoryo, at respetuhin ang karapatan ng ibang bansa.
Gayunman, makikita sa kasaysayan ang pag-angat ng mga bansa sa kapangyarihan at impluwensiya nang may suporta ng ibang bansa, upang makatulong mapanatili ang kaayusan sa mundo. Natagpuan ng Amerika ang sarili nito sa nasabing posisyon matapos ang World War II, kasunod ng military victories sa Europe at Asya.
Kamakailan, binisita ni US President Donald Trump ang tropa ng Amerika sa Iraq at ipinahayag na, “The United States cannot continue to be the policeman of the world.” Bahagi ng dahilan ay ang gastusin sa nasabing gampanin. Naniniwala rin ang pangulo ng Amerika na dapat pagtuunan ng pamahalaan ang sarili nitong pangangailangan at problema.
Nais niyang ‘di papasukin ang mahihirap na migrante gamit ang pader sa kahabaan ng hangganan nito at ng Mexico. Ayaw niyang patapakin ang mga migrante na karamihan ay mula sa Islamic nations ng Middle East, partikular sa Syria at Iraq, at sa Asya, partikular ang Afghanistan. Pinauuwi na ni Trump ang American troops na nasa Syria.
Nagsimulang makiisa ang Amerika sa mga kaganapan sa mundo na malayo mula sa teritoryo nito matapos nitong talunin ang Spain sa Spanish-American war noong ika-20 siglo. Ang Pilipinas — sa loob ng tatlong siglo ay sinakop ng Spain – ang ginawa nitong premyo. Nang bombahin ng Japan ang Pearl Harbor sa simula ng World War II, pinasabugan din nito ang Fort Stotsenberg of the Americans sa Clark, Pampanga.
Hindi na namalagi ang American troops sa Pilipinas matapos ang desisyon ng Senado noong 1991 laban sa pagpapalawig sa pananatili ng mga American military sa Pilipinas. Gayunman, nanatili ang alyansa sa ilalim ng US-PH Mutual Defense Treaty of 1951. Naniniwala ang ating mga opisyal na sa oras problema, tutulong ang Amerika sa depensa.
Nitong nakaraang buwan, matapos ipahayag ni Trump na hindi na interesado ang Amerika sa pagiging “world’s policeman,” sinabi ni Secretary of Defense Delfin Lorenzana na kasalukuyang pinag-aaralan ang kasunduan upang matukoy kung may halaga ito sa bansa. “That was done in 1951. That’s 67 years old. We are reviewing it because perhaps we no longer need it.” Nang tanungin kung mas gumanda ang ugnayan ng administrasyong Duterte sa China kaya pinag-aaralan ito, sinabi ni Secretary Lorenzana ito ay dahil sa “the dynamics that is going on all over the world.”
Ang dynamics na tinutukoy ni Secretary Lorenzana ay siguradong kinabibilangan ng ipinahayag ni Trump na ang Amerika ay hindi na interesadong maging “world’s policeman.” Ang Pilipinas ang sentro ng mga pagbabagong polisiya sa pagpasok ng mundo sa bagong taon. Dapat tayong umasa na ang mga pagbabago ay makatutulong, hindi magpapahamak, sa atin bilang bansa sa panahon ng tumitinding kahirapan sa mahirap na bahagi ng ating ideal na mundo.