PhoenixMojdeh at Dula, humakot ng medalya sa Dubai meet; umaasa ng pagkakaisa sa swimming community

KAPWA nagpamalas ng potensyal sina swimming protégée Micaela Jasmine Mojdeh (kaliwa) at Marc Bryan Dula na hindi dapat mabalewala ng National Team.

YOUNG CHAMP! Ibinida nina Jasmine Mojdeh at Marc Bryan Dula ang mga medalyang napagwagihan sa Dubai swimming meet

YOUNG CHAMP! Ibinida nina Jasmine Mojdeh at Marc Bryan Dula ang mga medalyang napagwagihan sa Dubai swimming meet

BATA sa katauhan at damdamin. Ngunit, bukas na ang kaisipan nina Micaela Jasmine Mojdeh at March Bryan Dula sa katotohanan sa nagaganap na gusot sa local swimming community.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

At sa kanilang murang kaisipan, ramdam nila ang damdamin ng mga batang swimmers na hindi nabibigyan ng pagkakataon na makalangoy at makipagtunggali sa pagnanais na maabot ang pangarap na bituin.

Kung kaya’t kaisa ang dalawang swimming sensation sa isinusulong ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na ‘Swim for All’.

“We have already been assured of support by the PSC in both our local and international campaigns,” pahayag ni Mojdeh sa kanyang pagbisita sa “Usapang Sports” ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

“Masaya po kami nang mabalitaan po naming na nagkaroon ng dialogue para sa unity sa swimming. Marami po kasing bata ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na makalangoy at mapasama sa National Team,” pahayag ng 12-anyos na pambato ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque.

Sa kanyang age category, hindi matatawaran ang husay ni Mojdeh sa international competition, kabilang ang katatapos na 2018 Hamilton Aquatics Winter Long Course Swimming Championships sa Dubai kung saan humakot siya ng pitong gintong medalya, tampok ang bagong Philippine national junior record sa 200m butterfly (2:22.31). Ang kanyang personal at dating dating record ay 2:25.82.

“We hope we can continue to win more golds for our country next year,” pahayag naman ni Dula, nagwagi ng walong ginto at isang silver sa naturan ding torneo.

Kapwa miyembro ang dalawa ng Philippine Swimming League (PSL) na tinatanggihang isama ng Philippine Swimming Inc. na pinamumunuan ni Lani Velasco. Kasalukuyang, nagkakaroon ng legal na pamamaraan ang grupo ng mga Olympian na pinamumunuan nina Eric Buhain at Akiko Thompson para magkaroon ng nagkakaisang eleksiyon sa PSI.

“PSC Chairman Ramirez is pushing for this ‘Swim for All’ program. Ito rin ang gusto naming sa PSL noon pa man. I think this is a good program by the PSC since this will give equal opportunity to all talented swimmers,” pahayag ni Joan, ina ni Jasmine at kasalukuyang PSL regional director ng National Capital Region.

“Umaasa kami sa PSL sa mga magagandang pagbabago sa swimming community sa ilalim ni Chairman Ramirez next year,” ayon kay Joan, dating aktibong triathlete at volleyball player.

Aniya, ang kanyang anak na si Jasmine ay isa lamang sa napakaraming batang swimmers na tiyak na mabibiyayaan sa ‘Swim for All’ program ng PSC.

“As we have been saying in the PSL under Coach Susan Papa, there are a lot of talented swimmers in the country but we have to develop them in an extensive training program that involves not only the swimmer but the coaches and parents as well,” aniya.

Ikinatuwa rin ni PSL coach Alex Papa ang ginagawang pagkilos ng PSC, gayundin ng mga dating Olympian upang mailagay sa tama at ayos ang swimming sa bansa.

“For the record, kung naisama si Jasmine sa National Team during the last SEA age-group tournament, nakakuha sana ang Pilipinas ng tatlong ginto. Yung winning time sa event ni Jasmine ay malayo sa personal best ng bata,” sambit ni Papa.

“Actually, hindi lang yung deserving swimmers, but also yung napiling swimmer na alam nilang may mas magaling sa kanila pero hindi isinama sa team ang apektado kung patuloy na ganito ang sistima,” aniya.

“In the PSL, we are looking at producing more young and talented swimmers who will someday represent the country in the SEA Games, Asian Games and even the Olympics,” ayon kay Papa, personal na kumupkop sa probinsiyanong si Dula para sanayin at mabigyan ng pagkakataon na makapag-aral.

”I won’t be surprised if the next Filipino swimmer who will make it to the Olympics will come from the PSL,” aniya.

-ANNIE ABAD