Pinawalang-sala kahapon ng Sandiganbayan Special First Division si dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong plunder kaugnay ng pagkakadawit niyas a Priority Development Assistance Fund (PDAF) o “pork barrel” scam, habang hinatulan naman ng habambuhay na pagkakakulong ang dati niyang aide na si Richard Cambe at ang umano’y utak sa scam na si Janet Lim Napoles.
Hinatulan ng reclusion perpetua sina Cambe at Napoles, at hindi na rin maaaring maglingkod pa sa pamahalaan.
“For failure of the prosecution to establish beyond reasonable doubt that accused Revilla received, directly or indirectly the rebates, commission and kickbacks from his PDAF, the Court cannot hold him liable for the crime of plunder,” bahagi ng desisyon ng Sandiganbayan.
Tinukoy din na ang mga akusado ay “held solidarily and jointly liable” upang ibalik ang P124,500,000 sa pondo ng taumbayan, alinsunod sa Article 100 ng Revised Penal Code.
Hindi naman nakasaad sa 186-pahinang desisyon ng korte kung sino sa tatlo ang dapat na magbayad ng nasabing halaga, subalit ayon sa Konstitusyon, tanging ang mga napatunayang nagkasala sa krimen ang dapat na magbayad ng danyos. At dahil inabsuwelto si Revilla, hindi siya kasama sa mga magbabayad ng nasabing halaga.
Naharap si Revilla sa kasong plunder at sa 16 na bilang ng graft dahil sa maanomalyang paggamit sa kanyang PDAF, na napaulat na inendorso niya sa mga pekeng non-government organization ni Napoles kapalit ng kickbacks na umaabot sa P224,512,500.
Pagkatapos ng promulgation, nagpiyansa si Revilla ng P480,000 para sa mga kasong graft, saka nagtungo sa Camp Crame upang isapinal ang kanyang paglaya, makalipas ang apat na taong pagkakakulong.
Samantala, nagtataka si Senador Francis Pangilinan sa naging desisyon ng Special Court sa pagpapalaya kay Revilla, habang sinentensiyahan naman sa pagkakasala ang mga kapwa akusado nito.
“Paano naging guilty ang nanuhol pero not guilty ang sinuhulan? Paano naging not guilty kung inuutusang ibalik ang pera? Mahirap unawain ang naging pasya,” saad sa pahayag ni Pangilinan.
Czarina Nicole O. Ong, Jun Fabon, at Leonel M. Abasola