“NAKIKIISA ang korte sa mga pulis na regular na itinataya ang kanilang buhay upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan. Pero, ang paggamit ng labis na karahasan ay hindi makatwiran kung magagampanan naman ng mga tagapagpatupad ng batas ang kanilang tungkulin sa ibang paraan. Ang shoot-first-think-later ay hindi kailanman pinahihintulutan sa isang sibilisadong lipunan. Ang kapayapaan ng publiko ay hindi nakabatay sa halaga ng buhay ng tao,” wika ni Judge Rodolfo Azucena, Jr. ng Caloocan Regional Trial Court, Branch 125 sa kanyang desisyong naghahatol ng habambuhay na pagkakabilanggo kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz. Ang tatlo ay pinanagot sa salang murder sa pagkamatay ng teenager na si Kian Delos Santos.

“Talagang masama iyan. Hindi iyan pagtupad ng tungkulin. Huwag gumawa ng krimen,” sabi ni Pangulong Duterte noon sa gitna ng pagkondena ng publiko sa mga pagpatay, na pagpapakita niya ng kanyang pagkabahala hinggil sa pang-aabuso ng mga pulis. Nasundan kasi ang kaaprehas na kaso ni Delos Santos nang patayin din ng mga Caloocan pulis sa dalawang teenager na sina Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman. Ang matinding protesta na ginawa ng sambayanan sa kauna-unahang pagkakataon mula nang magsimulang makapatay ang mga pulis ng mga umano ay sangkot sa droga, ang nagpaatras sa Pangulo sa pagdepensa niya sa mga pulis na gumagamit ng paraang nakamamatay. Aniya, kapag nanlaban lang ang mga ito at nalagay sa panganib ang iyong buhay, makatwiran lang na sila ay inyong patayin.

Pero, hindi ganito ang una niyang inihayag. Kaya malakas ang loob ng mga pulis noon na pumatay bago maganap ang pagpatay sa tatlong teenager, ay dahil buong tapang niyang sinabi na sagot niya ang mga pulis anumang mangyari sa pagsunod sa kanyang utos na lipulin ang mga sangkot sa droga. Aniya, huwag matakot ang mga pulis sapagkat kung hindi man sila makalusot sa paglilitis ay may kapangyarihan naman siyang maggawad ng pardon.

Nang kapanayamin ng mga Malacañang reporter si Presidential Spokesperson Salvador Panelo at ipaalala sa kanya ang pangakong ito ng Pangulo, sinabi niya na ang kaso ni Delos Santos ay murder. “Sinisiguro namin na hindi pahihintulutan ng Pangulo ang sadyang pagpatay laban sa mga sibilyan ng mga men in uniform. Kaya, hindi ako naniniwala na bibigyan niya ng pardon ang mga pulis,” paliwanag ni Panelo.

Tahimik pa ang Pangulo hinggil sa naging desisyon ng korte laban sa mga pulis sa kaso ni Delos Santos. Tama kaya na naihayag nang tapat ng kanyang spokesman ang kanyang nasa isip? Pero, anuman ang nasa isip ng Pangulo, kinumpirma ng desisyon ng korte na may inosenteng napatay sa pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo. Dahil wala siyang paniniwala sa rule of law. Kinamumuhian niya ang mga taong nagpapaalala sa kanya na igalang ang karapatan ng sinuman sa due process at presumption of innocence. Shoot-first-think-later ang naging patakaran ng mga pulis sa pagsunod nila sa Pangulo sa kanyang war on drugs. Wala ng pagkakataon ang mga biktima na makapagpaliwanag, kaya mahirap malaman kung ilan sa maraming napatay ang gaya ni Delos Santos. Pero, binigyan na ni Judge Azucena ng armas ang mga kamag-anak ng mga napatay para lumaban at mahanap ang katarungan.

-Ric Valmonte