LAMAN ng mga balita kamakailan ang Papua New Guinea bilang lugar ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) ngayong taon, na dinaluhan ng mga pinuno ng 21 miyembrong bansa sa rehiyon. Sa unang pagkakataon sa loob ng 25-taong kasaysayan, natapos ito nitong Linggo ng hindi naglabas ng isang pormal na pinagkasunduang pahayag, dulot ng dalawang pinakamalaking miyembro—ang Estados Unidos at China—na bigong magkasundo sa kalakalan.
Pinangunahan ni Pangulong Duerte ang delegasyon ng Pilipinas sa kumperensiya na ginanap sa Port Moresby, ang kabisera ng Papua New Guinea. Bagamat hindi maganda ang naging pagtatapos ng APEC summit ngayong taon, ang ating mga opisyal ay nagtungo roon hindi lamang para sa APEC kundi para rin sa isang bilateral program sa bansang ito sa timog-silangang bahagi ng Pilipinas, sa hilaga ng Australia. Ang programang ay para sa produksiyon ng bigas ng mga Pilipinong magsasaka sa 50,000 ektaryang lupain sa probinsiya ng East Sepik.
Sa pagbabahagi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol sa Port Moresby, sinabi niya na mayroon na ngayong rice demonstration farm ang mga Pilipinong magsasaka roon, na nagiging maayos, aniya, dahil sa matabang lupain. Inaasahan ang unang pag-aani sa huling linggo ng Disyembre.
Bagamat gumugugol ang Pilipinas ng P12 kada kilo sa produksiyon ng bigas, kumpara sa P7 kada kilo ng Vietnam, siniguro ni Secretary Piñol na matatapatan ng mga Pilipinong magsasaka ang mababang gastos sa produksiyon ng bigas ng Vietnam, gamit ang mga sakahan sa Papua New Guinea dahil sa matabang lupa at sagana nitong tubig. Ang East Sepik River ang sinasabing isa sa mga pinakamalaking ilog sa mundo.
Ang plano ay linangin muna ang nasa 100,000 ektarya upang makapag-ani ng 400,000 tonelada ng bigas na pupuno sa pangangailangan ng walong milyong populasyon ng Papua New Guinea. Sinabi ni Piñol na umaasa siya na kalaunan magagamit ang isang milyong ektarya mula sa 46 milyong ektaryang matabang lupain ng PNG para sa rice program ng Pilipinas. Sa loob ng limang taon, inaasahang madadala na sa Pilipinas ang unang bigas mula PNG, aniya.
Puno ng balakid ang produksiyon ng bigas sa Pilipinas, kabilang ang limitadong siyam na milyong ektarya na patuloy pang nababawasan dulot ng urban development upang punan ang pangangailangan ng nasa 107 milyong tao. Limitado rin ang ating mapagkukunan ng tubig na mahalagang salik sa pagsasaka. Ngunit mayroon tayong bagong ‘high-yielding’ at ‘disease-resistant’ na uri ng bigas na nilinang ng ating mga siyentista sa nakalipas na mga taon.
Ang ideya na makipag-ugnayan sa ‘underdeveloped’ na Papua New Guinea ay isang magandang ideya na nararapat na magbigay benepisyo sa magkabilang bansa. Malaki ang maitutulong sa atin ng bansang ito sa Timog Pasipiko, sa wika ni Secretary Piñol, bilang isang tiyak na mapagkukunan ng pagkain ng Pilipinas.