KABILANG sa mahahalagang bagay na tinalakay sa idinaos na pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Singapore kamakailan ay ang mungkahing Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), na layuning magtatag ng isang bagong ugnayang pangkalakalan sa bahaging ito ng mundo.
Taong 2011, binago ang inisyal na mungkahing RCEP na magbibigkis sa East Asian Free Trade Area at ang Comprehensive Economic Partnership of East Asia ng Japan. Makalipas ang isang taon, itinaguyod ng mga economic minister ng sampung bansa miyembro ng ASEAN at ng katuwang nitong Australia, China, India, Japan, South Korea, at New Zealand ang giya at tunguhin para sa pagtalakay ng panukalang RCEP. Itinuturing na mahalaga ang suporta ng China sa plano, bilang pinakamalaking ekonomiya sa rehiyon.
Inihain naman ng Estados Unidos ang karibal nitong Trans Pacific Partnership, kabilang ang ilang mga piling estado sa mungkahing RCEP maliban sa China. Gayunman, nabuwag ang hangaring TPP nang pagbitiwin ni US President Donald Trump ang Amerika sa TPP na siyang nagmungkahi.
Gayunman, simula nang mabuwag ang TPP ay nagpatuloy sa paglakas ng RCEP, na umakit sa India, ang isa sa pinakamabilis na umuunlad na ekonomiya sa kasalukuyan sa mundo. Magiging mahalaga ang tungkulin ng China sa rehiyunal na grupong pangkalakalan, bilang pinakamalaking importer at exporter ng mga produkto at serbisyo sa rehiyon. Sa ginanap na China International Import Exhibition kamakailan, sinabi ni President Xi Jinping na nasa $30 trilyong halaga ng produkto at $10 milyon halaga ng serbisyo ang aangkatin ng China sa susunod na 15 taon.
Nanawagan ang Pilipinas para sa isang “pragmatic direction” sa usapin ng RCEP. “It is about time that we shift gears and lean towards being more realistic than idealistic,” pahayag ni Secretary of Trade and Industry Ramon Lopez sa kanyang mga kapwa ministro sa 5th intercessional meeting sa Tokyo nitng Hunyo, 2018. “We should also keep in mind that this mega-regional trade pact should be inclusive and progressive and should cater not only to today’s generation but also of the future.”
Sa simula ng ASEAN summit sa Singapore kamakailan, isinulong ni Pangulong Duterte ang negosasyon para sa RCEP na sasakop ng doble sa laki ng ekonomiya ng nabuwag na TPP. Sinasabing humihiling ang India para sa higit na benepisyo, na nakaugnay sa pagiging bukas ng grupo sa isang negosasyon at parasa isang “Win-win situation”—isang kasabihan ng China—at ang pangunahing pamantayan na nasa puso ng ASEAN, na ang bawat desisyon ay makakamit sa pamamagitan ng kasunduan, hindi kailanman sa isang naghahating botohan.
Umaasa tayo ng isang mabilis na konklusyon sa usaping ito, na mabibigay sa atin ng pagkakataon na maging bahagi ng isang pangunahing rehiyunal na samahang pang-ekonomiya, isang magandang plataporma para sa higit na kooperasyon sa kalakalan at serbisyo, gayundin sa pamumuhunan at mga programang para sa ekonomikal at teknikal na pag-unlad sa mga miyembro nito at para sa pakikipagnegosasyon sa ibang rehiyunal na samahan.