SA maraming taong nagdaan makaraan ang pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945, namuhay ang mundo sa takot ng nukleyar na pagkawasak dahil sa pamumuno ng Estados Unidos at Russia sa kani-kanilang mga kaalyadong bansa sa isang Cold War na nagbabantang sumiklab sa isang armadong digmaang tuwing may militar at diplomatikong krisis.
Ang magkabilang panig ay may nakaabang na nuclear missile na nakatutok sa mga siyudad ng makabilang bansa. Noong 1987 lamang nagkasundo ang dalawang makapangyarihang bansa na wakasan na ang kanilang nukleyar na tunggalian at lumagda sa isang Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty na nag-aalis sa lahat ng mga short-at intermediate-range land-based nuclear at conventional missiles. Nilagdaan nina US President Ronald Reagan at Soviet Prime Minister Mikhail Gorbachev ang kasunduan. Hindi nagtagal matapos nito, nabuwag ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR) at natamo ng mga republikang Soviet kanilang kalayaan mula sa Russian Federation.
Sa ngayon, 87-taong gulang na si Gorbachev na pinarangalan nitong nakaraang linggo sa pamamagitan ng isang dokumentaryo patungkol sa kanyang buhay, sa kanyang reporma noong 1980, at ang kanyang kampanya sa pagkontrol ng mga armas na naging daan sa pagwawakas ng Cold War. Nagbigay siya ng maikling pahayag sa mga manonood sa sinehan sa Moscow. “We must hold back,” aniya. “We have to continue the course we mapped. We have to ban war once and for all. Most important is to get rid of nuclear weapons.”
Nitong nakaraang buwan sa isang artikulo ng New York Times, tinuligsa ni Gorbachev ang pahayag ni US President Donald Trump na plano nitong bitiwan ang Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty na nilagdaan noong 1987. Kailangang mahinto ng mundo ang bagong Cold War, saad ni Gorbachev. “I will do everything for this.”
Sa katunayan, ipinababawal lamang ng kasunduan noong 1987 ang short at intermediate-range missiles na hawak ng US at Russia—hindi ang mga long-range missiles at mga missiles na nakalagak sa mga submarine na umiikot sa mga karagatan ng mundo. Pinaniniwalaang mayroon pa ring nasa 14,000 nukleyar na armas sa buong mundo sa kasalukuyan. Karamihan sa mga ito ay kontrolado ng US at Russia, dagdag pa ang ilang hawak ng China, France, United Kingdom, Pakistan, India, Israel, at North Korea.
Mataas ang paggalang ng mundo kay Gorbachev sa kasalukuyan, bagamat isinusumpa siya ng maraming Ruso dahil sa repormang humantong sa paglusaw ng Soviet Union. Sa ngayon, nanatili ang US bilang nag-iisang super-power sa mundo, ngunit nariyan pa rin ang 14,000 nukleyar na armas na hawak ng siyam na bansa, dagdag pa ang Iran na naghahangad na makasali sa kanila.
Lumabas mula sa kanyang pagreretiro ang dating Rusong lider upang magsalita sa publiko para marahil sa huling pagkakataon nitong nakaraang linggo makiusap laban sa pagbabalik ng Cold War. Lahat ng mga tao at bansang may mabuting kalooban ay kasama niya sa panawagang ito.