HINDI nasayang ang ipinakita ni Meralco third-year guard Baser Amer na pamumuno at clutch shooting sa ginaganap na semifinals matapos siyang mapili bilang Cignal-PBA Press Corps Player of the Week noong Nobyembre 5-11 ng 2018 PBA Governors’ Cup.
Mula sa pagiging backup guard ng dating Most Valuable Player na si Jimmy Alapag noong 2016, nagningning ang performance ni Amer ngayong season at naging isa sa mga pangunahing dahilan sa pag-usad ng Meralco sa semifinals mula sa hindi magandang panimula para sa season-ending conference.
Nagtala ang 26-anyos na dating San Beda Red Lion ng average na 18 puntos, 4.2 rebounds, 4.2 assists at 1.6 steals sa huling tatlong laro ng Bolts na naging daan upang makamit ang lingguhang citation.
Mula sa panimulang 1-6 karta, isa si Amer sa nagpursigi at naging susi upang magtala ang Bolts ng limang sunod na panalo sa pagtatapos ng eliminations upang makapasok ng playoffs bilang 7th seed.
Tuluyang nagmando si Amer sa playoffs makaraang kumamada ng 14 puntos, 4 na rebounds, 6 na assists at 2 steals nang burahin ng Bolts ang bentahe ng no. 2 seed Phoenix sa pamamagitan ng 90-74 paggapi para makahirit ng winner-take-all match.
Kasunod nito, mas itinaas ni Amer ang kanyang laro sa knockout match at nagposte ng 26 puntos, upang giyahan ang Bolts sa 108-102 , panalo sa extra period na nagsulong sa kanila sa semifinals.
Noong nakaraang Linggo, sa ikatlong laro ng Meralco sa loob ng limang araw, napanatili ni Amer ang magandang laro matapos umiskor ng 14 puntos, 4 na rebounds, 3 assists at isang steal upang pangunahan ang Bolts sa paggapi sa Alaska, 97-92, sa Game 1 ng kanilang best-of-five semifinal series.
Tinalo ni Amer para sa karangalan ang kanyang teammate na si Chris Newsome at sina Magnolia guard Paul Lee, Ginebra forward Japeth Aguilar at Alaska forward Vic Manuel.
-Marivic Awitan