Idinaan ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa social media ang pagpapahayag ng papuri sa mga repormang ipinatupad ng hinalinhan niyang si dating Secretary Alan Peter Cayetano sa kagawaran.

Sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano, sinabi ni Locsin na napahusay ang pagpoproseso ng passport, pati na rin ang mga serbisyo at tulong na ipinagkakaloob sa mga overseas Filipino worker (OFW).

“A lot of the front line work done by DFA so well is done by contractuals like passports which Alan did so much to improve,” tweet kamakailan ni Locsin.

Sa kasalukuyan, napaikli ang paghihintay sa pagre-release ng pasaporte sa anim na araw na lang, bukod pa ang pagpapabuti sa kapasidad ng DFA na tumanggap ng bugso ng mga aplikante.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Ipinatutupad na rin ang e-payment scheme at binuksan ang mahigit 10,000 slots simula 12:00 ng tanghali hanggang 9:00 ng gabi, Lunes hanggang Sabado, maliban kung holidays.

Inilunsad din ang Passport on Wheels (POW), na ipinakalat sa 201 lokasyon hanggang nitong Setyembre 19, at napagsilbihan ang mahigit 200,000 aplikante.

Binuksan din ang tatlong consular office sa Ilocos Norte, Isabela at Laguna. Meron pang ibang consular office na bubuksan, bago matapos ang taon, sa Bulacan, Cavite, Rizal, Davao del Norte, Misamis Occidental, at Tarlac.

Sa panahon ni Cayetano, sinagot ng DFA ang mga airline tickets, exit fines at iba pang penalties ng mga napapauwing OFWs, na binibigyan din ng tulong pinansiyal.