LA Lakers, nakalusot sa Hawks sa gamewinning dunk ni LeBron

LOS ANGELES (AP) — Naungusan ng Los Angeles Lakers, mula sa game-winning dunk ni LeBron James, ang Atlanta Hawks, 107-106, nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Kumubra si james ng 26 puntos, habang kumana si Kyle Kuzma ng 18 puntos para sa ikalimang panalo ng Lakers sa anim na laro. Naitabla ni Kuzma ang iskor sa 104 may 1:34 ang nalalabi sa laro.

Natawagan ng technical si Kent Bazemore sa naturang tagpo at naisalpak ni Kuzma ang free throw para a 105-104 bentahe. Muling naagaw ng Hawks ang kalamangan sa 106-105 mula sa dunk ni Vince Carter.

Chavit Singson, pangungunahan pagpapatayo ng kauna-unahang PBA Arena?

Nakakuha ng foul si James sa sumunod na tagpo, ngunit naisablay ang dalawang free throws, ngunit mabilis na narebound ni Kuzma ang bola at kaagad na isinalpak sa harap ng depensa ng Hawks, subalit mintis ang tira.

Mula sa kawalan, mabilis na umigpaw si James para maisalpak ang dunk at ibigay ang winning margin sa Lakers.

Nanguna si Taurean Prince sa Hawks sa naiskor na 23 puntos, habang kumana si Bazemore ng 21 at tumipa si Trae Young ng 20 puntos para sa Atlanta.

BLAZERS 100, CELTICS 94

Sa Portland, Oregon, ginapi ng Trail Blazers, sa pangunguna ni Damian Lillard na may 19 puntos at 12 assists, ang Boston Celtics.

Nag-ambag si Jusuf Nurkic ng 18 puntos at 17 rebounds para sa ikapitong panalo ng Portland sa huling walong laro.

Nanguna sa Boston si Jayson Tatum sa regular-season career high 27 puntos, at kumana si Kyrie Irving ng 21 puntos.

BUCKS 121, NUGGETS 114

Sa Denver, naitala ni Brook Lopez ang career-high walong three-pointers para sa kabuuang 28 puntos para sandigan ang Milwaukee Bucks kontra Nuggets.

Tumipa ng double digits ang limang Bucks starters para tuldukan ang eight-game losing skid sa Denver at itala ang unang panalo sa Pepsi Center mula noong 2010.

Ratsada si Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 22 puntos at siyam na rebounds, habang nagsalansan si Khris Middleton ng 21 puntos at hataw si Malcom Brogdon ng 20 puntos.

Nanguna si Paul Milsap sa Nuggets sa naiskor na 25 puntos, habang tumipa si Nikola Jokic ng 20 puntos.

Sa iba pang resulta, nagwagi ang Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na may season-high 40 puntos, kontra Indiana Pacers, 115-103; naitala ng Orlando Magic ang season-high 17 three-pointers para gapiin ang New York Knicks, 115-89.