Sampung bus driver at dalawang konduktor ang nagpositibo sa sorpresang drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng paghahanda para sa Undas.
Sa datos ng PDEA, sa 855 driver at konduktor na sumailalim sa mandatory drug testing, 10 bus driver at dalawang konduktor ang nagpositibo sa paggamit ng droga.
Isinagawa ang nationwide drug testing bilang bahagi ng “Oplan UndaSpot’ ng ahensiya, na ipinatupad katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ayon kay Atty. Ruel Lasala, PDEA deputy director general for operations, ang mga nagpositibo sa ilegal na droga ay sasailalim sa confirmatory drug test upang i-validate ang unang resulta.
Ang 10 bus drivers na nagpositibo ay mula sa mga terminal sa Ilocos, Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Autonomous Region of Muslim Mindanao, at Metro Manila.
Habang ang dalawang konduktor ay mula sa Ilocos Region at Batangas City Grand Terminal.
-Alexandria Dennise San Juan