Hindi lamang si Senador Koko Pimentel ang nahaharap sa disqualification case sa Commission on Elections (Comelec), kundi maging si Senator Loren Legarda.
Inihain ang disqualification case laban kay Legarda ni dating Antique governor Exequiel Javier at isa pa mula kay Robin Rubinor.
Si Legarda ay tumatakbong Representative ng Antique.
Inihain naman ng abogadong si Ferdinand Topacio ang disqualification case laban kay Pimentel.
Sa record ng Comelec - Clerk of the Commission, ang petisyon laban kina Pimentel at Legarda ay kabilang sa 68 kaso ba inihain sa naturang tanggapan.
Nahaharap din sa disqualification case si Cebu Third District Rep. Gwendolyn Garcia, na naghahangad maging gobernador. Siya ay nahaharap sa dalawang disqualification cases na inihain nina Edgar Gica at Norma Pilapil Pozon.
Samantala, naghain naman si dating senador Mar Roxas ng Liberal Party (LP) ng petisyon upang idiskuwalipika si Lemicio Jesus Roxas ng Katipunan ng Demokratikong Pilipino (KDP). Si Roxas ay tatakbong senador sa susunod na taon.
Ang iba pang naghain ng disqualification cases ay sina Former Manila vice mayor Francisco “Isko Moreno” Domogoso, laban kay Onofre Estrada Abad; reelectionist Marikina Mayor Marcelino Teodoro laban kina Marjoy Villoso at Lorderito Nebres; Caloocan City Mayor Oscar Malapitan laban kina Rufino Bayon-on, Maximo Tonelino, Edgardo Sevilla, Ronnie Malunes, at Emil Trinidad; Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla laban kina Tranquilino Estrada at Emelita Machado Villar.
-Leslie Ann G. Aquino