UNTI-UNTING tinapyas ng Davao Cocolife Tigers ang kalamangan ng Laguna Krah upang maitarak ang come-from-behind 72-66 panalo sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League Datu Cup elimination round kamakailan sa Marist School Gym sa Marikina City.

Unang nagpasiklab ang Laguna sa mainit na opensa ni ex-pro Denok Miranda kaagapay si Michael Mabulac sa pagposte ng double digit na bentahe na umabot pa sa pinakamalaking 20 puntos sa first half.

Inilatag ni Tigers coach Don Dulay ang mala-linta na depensa kontra Krah kasabay ang mainit na opensa nina PBA veterans Leo Najorda,Bonbon Custodio,Mark Yee at Ilonggo superstar Billy Robles upang maibaba ang kalamangan sa single digit.

Tuluyang nakatabla ang Davao Cocolife sa 64-all mula sa three-pointer ni Najorda may 2:13 ang nalalabi sa laro. Nasundan ito ng go-ahead layup ni Custodio mula sa turnover ni Miranda para maagaw ang bentahe at momentum tungo sa impresibong panalo ng koponan mula Mindanao na pag-aari ni Claudine Bautista ng Davao Occidental LGU at inayudahan nina Cocolife president Elmo Nobleza,FVP Joseph Ronquillo at Rowena Asnan.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Tumibay ang hawak ng Davao Cocolife sa segunda puwesto sa South division ng ligang inorganisa ni Senator Manny Pacquiao.