MASUSING tinututukan ng mundo ang midterm elections sa Amerika tatlong linggo mula ngayon, at isa sa mga pangunahing dahilan ang pagtukoy kung ano ang kahihinatnan ng bagong administrasyon ni President Trump sa harap ng napakaraming isyung ibinabato laban dito.
Batid ng mga Pilipino ang mga isyung iniuugnay sa maraming polisiya ni President Trump na naging dahilan ng pagbitaw ng maraming gobyerno sa mundo, kabilang ang ilan sa Western Europe, gayundin sa Asya, partikular ang China, kung saan nagdeklara ng trade war ang Amerika.
Bukod sa mga isyung ito, may espesyal na interes ang ang mga Pilipino sa nalalapit na halalan sa Amerika para sa lahat ng 435 posisyon sa House of Representatives, 35 sa 100 puwesto sa Senado, at para gobernador sa lahat ng 50 estado. Isang Filipino-American ang inaasahang kakandidato para gobernador sa Utah. Naghahangad din ang isang alkalde na muling mahalal sa Ohio, at isang kongresista ang nais ng isa pang termino sa Virginia. Tatlong babae naman ang kumakandidato para sa Kongreso sa Texas, California, at Florida.
Matagal na nating pinaniniwalaan na mayroong nasa dalawang milyong Filipino-American sa Amerika ngayon, na mahusay na nakaaagapay sa kani-kanilang komunidad, at itinuturing na bahagi ng lumalaking grupo ng Asian-American sa kabuuang populasyon ng Amerika, kasama ang mga puting European at mga Latin American.
Inilabas kamakailan ng US Census Bureau ang bagong resulta ng American Community Survey nito—sa kasalukuyan ay may apat na milyong Filipino-American na naninirahan at nagtatrabaho sa Amerika. Nariyan din ang maraming hindi dokumentadong Pilipino—ang mga TNT o tago-nang-tago, tulad ng napakaraming ilegal na migrante mula sa Central at South America.
Ngunit ang apat na milyong Filipino-American ang inaasahang gagawa ng marka hindi lang sa buhay ng komunidad sa Amerika, kundi maging sa sektor ng pulitika at ekonomiya bilang mabilis na dumadaming bahagi ng populasyon ng Amerika. Kaya naman, tututukan nating maigi kung ano ang magiging kahihinatnan sa halalan ng mga Filipino-American na naglakas-loob na sumabak sa pulitika ng Amerika.
Mahusay na nakaagapay ang mga Fil-American sa lipunang Amerikano. Ngunit nananatili pa ring taglay nila ang mga kaugaliang Pilipino—partikular na ang kanilang mahalagang tungkulin sa pamilya at sa kanilang pananampalataya—at napanatili rin nila ang kanilang ugnayan sa kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas, at marami ang umaasang makababalik sa sariling bayan balang-araw.
Mayroon ding milyun-milyong Pilipino ang nagtatrabaho ngayon sa hindi na mabilang na mga bansa—sa Saudi Arabia at sa ibang mga bansa sa Gitnang Silangan, sa India, Japan, at sa iba pang mga bansa sa Asya, sa lahat ng bansa sa Europa—ngunit sa Amerika may pinakamalaking bilang ng mga Pilipino sa ngayon.
Hangad natin ang mabuti nilang kalagayan sa pakikipagsabayan nila sa mga Amerikano sa nalalapit na midterm elections ng Amerika sa Nobyembre 6, 2018.