Nina GENALYN KABILING, ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at BETH CAMIA

Hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananalo ang “best man” sa 2019 midterm elections, sa pagsisimula ng paghahain ng certificate of candidacies sa Commission on Elections (Comelec).

Natutuwa ang Pangulo na mas maraming tao ang tumatakbo sa political office dahil mabibigyan ang mga botante ng mas maraming pagpipilian.

“The more the better. Let the -- at least there’s a wider choice for the people. Let the best man win,” ani Duterte sa press conference sa Malacañang kahapon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inilahad ng Pangulo na anim sa miyembro ng kanyang Gabinete ang posibleng magbitiw para tumakbo sa halalan.

Kabilang dito sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Agrarian Reform Secretary John Castriciones, Presidential Spokesman Harry Roque, Special Assistant to the President Christopher Go, at Technical Education Skills and Development Authority chief Guiling Mamondiong.

Sinabi ni Duterte na hiniling niya kay Philippine Ambassador to the United Nations Teodoro Locsin Jr., na maging susunod na Foreign Affairs Secretary.

Iniulat na tinanggap na ni Locsin, abogado at dating mambabatas, ang alok ng Pangulo.

Sinabi rin ng Pangulo na itinalaga niya si Panelo bilang temporary spokesperson. Gayunman, nais pa rin niyang makausap si Roque para alamin ang pinal nitong desisyon kung manatili sa gobyerno o tatakbo sa Senado.

Inamin ni Duterte na naghahanap pa rin siya ng mga kapalit para sa Cabinet members na nagbabalak na tumakbo sa halalan.

“Naghahanap ako. But you know my choices. It has nothing to do with politics. It has nothing to do na I want to ingratiate myself to the military. I don’t need that. I was elected by the people, not by the military,” aniya.

Samantala, sinabi ni Go sa Malacañang reporters sa Bali na hinihintay pa rin ni Duterte ang lahat ng mga nasa kanyang Gabinete na maghain ng kanilang COCs para makapagtalaga siya ng kanilang kapalit.

“Pero marami pang undecided sa mga tatakbo. So hinihintay na lang niyang mag-file itong mga to,” aniya.

Sinabi ni Go na si Political Adviser Francis Tolentino ay muling tatakbo sa Senado matapos matalo noong 2016, at si Cabinet Secretary Jun Evasco ay tatakbong gobernador.

Sa kanya namang kaso, sinabi ni Go na pinag-iisipan pa rin niya ang kanyang political career at naghihintay ng “enlightenment” mula sa Diyos.

“Pinag-iisipan ko pa. Naghihintay ako ng enlightenment sa Panginoon,” aniya.

Ang huling araw ng paghahain ng COCs ay sa Oktubre 17.