Naghain kahapon ng leave of absence si Presidential Spokesman Harry Roque habang pinag-iisipan kung mananatili pa rin sa pamahalaan.
“Pls be advised that Presidential Spokesperson will be on leave starting today, Monday, October 8,” bahagi ng abiso ng tanggapan ni Roque, kahapon.
Sa naunang plano ni Roque, magpapatawag sana siya ng press conference kahapon upang ihayag ang desisyon niya kung tatanggapin ba ang panibagong puwestong iniaalok sa kanya o magbibitiw na lang upang kumandidatong senador sa susunod na taon.
Ngunit, kinaulanan ay inabisuhan na lang nito ang mga mamamahayag na hindi na siya magpapapatawag ng regular na press conference sa Malacañang ngayong linggo dahil sa inaasahan niyang biyahe sa ibang bansa bukas, Miyerkules.
Idinagdag din ni Roque na hindi na siya sasama sa delegasyon ng pangulo patungong Bali, Indonesia para sa pagpupulong ng mga lider ng Southeast Asian countries, ngayong linggo.
Ang paghahain ni Roque ng kanyang leave of absence ay resulta ng naging payo sa kanya ng Pangulo na huwag na nitong ituloy ang hangaring kumandidato sa pagkasenador dahil hindi naman siya mananalo, kasabay ng pag-alok sa kanya ng panibagong puwesto sa Palasyo.
Hindi naman alam ng Pangulo ang paghahain ng leave of absence ni Roque.
Inilabas ni Special Assistant to the President Christopher Go ang pahayag nang kumpirmahin ng isang staff ng Malacañang na hindi papasok ng opisina si Roque sa loob ng isang linggo.
Samantala, kinumpirma kahapon ng kare-resign lang na si dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson na kakandidato siya sa susunod na taon upang “bigyang boses ang ordinaryong Pilipino.”
-Genalyn D. Kabiling at Argyll Cyrus B. Geducos