56 sports, ilalarga sa Manila SEA Games sa 2019

KABUUANG 56 sports, kabilang ang sumisikat na Skateboarding, ang ilalarga ng bansa bilang host sa 2019 Southeast Asian Games.

Isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) ang aprubadong listahan sa SEA Games Federation Council para mapag-aralan at masusugan bago isagawa ang biennial meet na gaganapin sa bansa sa ikaapat na pagkakataon.

Lumikha ng atensyon ang Skateboarding matapos magwagi ng gintong medalya si Margielyn Didalay sa street competition sa nakalipas na Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Masaya po kami. And very excited po. At least ngayon po hindi na lang basta larong kalye ang Skateboarding. Sports na po siya na kung saan napatunayan natin na puwede tayong manalo ng gold medal,” pahayag ni Skateboarding and Roller Sports of the Philippines President Monty Mendigoria.

Malaki rin ang kumpiyansa ng POC sa ice skating bunsod na rin sa matatag na programa ng Philippine Skating Union, na pinamumunuan nina PSU president Josie Veguillas at executive director Christopher Martin.

Kasama rin sa sports calendar ang archery, badminton, baseball, basketball billiard sports, bowling, boxing, chess, cycling, dance sports, equestrian/polo, indoor hockey, fencing, football, golf, gymnastics, ice hockey, judo, karatedo at muay.

Lalaruin din ang pencak silat, rowing, rugby sevens, sailing, sepak takraw, shooting, softball, soft tennis, squash, table tennis, taekwondo, tennis, traditional boat race, triathlon, weightlifting, wrestling, wushu, petanque at surfing.

Nasa listahan din ang mga traditional sports ng bansa na arnis, e-sports, jujitsu, kickboxing, kurash, lawn bowls, obstacle course, sambo, underwater hockey at ang atheltics at swimming.

Ayon kay POC chairman Bambol Tolentino, ang mga nabanggit na sports ay may malaking potensyal para sa katuparan ng pangarap na muling tanghaling overall champion sa SEAG.

“It is a positive development which validated the decisions made by the SEA Games Council in Manila meeting in May,” pahayag ni Tolentino.

-Annie Abad