DAHIL sa banta ng bagyong Ompong na dahilan din sa suspensiyon ng klase sa lahat ng antas sa buong Metro Manila kahapon, nagdesisyon ang NCAA Management Committee na ikansela ang nakatakdang laro kahapon sa basketball at badminton ng NCAA Season 94 sa FilOil Center sa San Juan.

Ang inaasahang malakas na pag-ulan na idudulot ng bagyong tinatayang tatama sa kalupaang sakop ng Pilipinas kagabi o ngayong umaga ang dahilan ng ginawang pagpapaliban ng mga laro.

Kabilang sa mga nakanselang laro ay ang tatlong seniors matches na kinabibilangan ng tapatan ng San Sebastian College (3-9) at Arellano University (4-6) ganap na 12:00 ng tanghali na susundan ng sagupaang San Beda University (11-1) at season host University of Perpetual Help (5-5) ganap na 2:00 ng hapon bago ang huling salpukan sa pagitan ng Letran at College of St.Benilde na kasalukuyang magkasalo sa ikatlong posisyon kasunod ng Red Lions taglay ang parehas na markang 7-4.

Ang triple-header, ang kani-kanilang mga juniors squads ay ihahanap na lamang ng panibagong petsa pagkatapos ng second round.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang anunsiyo ng kanselasyon ay ginawa ni NCAA ManCom chairman Frank Gusi ng Perpetual bilang proteksiyon sa kanilang mga student athletes at mga mag-aaral.

-Marivic Awitan