Tatapyasan ng Manila Electric Company (Meralco) ng mahigit 14 sentimo kada kilowatt hour (kWh) ang singil nito sa kuryente ngayong Setyembre.
Ito ay sa gitna ng halos araw-araw na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar, at patuloy na pagtaas ng inflation rate sa bansa.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, ang P0.1458/kWh bawas-singil ay mararamdaman ng mga consumers sa kanilang September bill.
Katumbas, aniya, ito ng P29.16 kaltas sa bayarin ng mga kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, P43.74 sa mga nakakagamit ng 300 kWh, P58.32 para sa kumukonsumo ng 400 kWh, at P72.90 para sa mga gumagamit ng 500 kWh kada buwan.
Ipinaliwanag ni Zaldarriaga na ang pagbaba ng singil sa kuryente ay dahil sa mas murang bentahan ng elektrisidad sa spot market, na umabot sa P2.07/kWh, at nagresulta rin sa pagbaba ng singil sa generation charge ng P0.0772/kWh, o mula P5.3491/kWh ay naging P5.2719/kWh na lang.
Aniya, mas malaki pa sana ang bawas-singil kung hindi lang tumaas ang presyo ng kuryente mula sa ibang kontrata at suppliers ng Meralco.
-Mary Ann Santiago