JAKARTA— Olat sa basketball, habang kapos sa ibang pang sports tulad ng athletics. Ngunit, may dahilan para mangiti ang sambayanan.

Nag-ambag ng bronze medal sina Cherry May Regalado at Junna Tsukii sa martial arts event, sapat para magkakulay nang bahagya ang mapanglaw na kampanyan ng men’s basketball team sa 18th Asian Games.

Nakamit ni Regalado ang bronze sa pencat silat, habang pangatlo si Tsukii sa women’s karate-do para mahila ang hakot ng Team Philippines sa 12 bronze medal.

Nananatili pa ring ‘winningest sport’ ang golf matapos ang kampeonato ni Yuka Saso sa indibidwal competition at ang gold medal finish ng women’s team nitong Linggo.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Nakubra ni Regalado ang 444 puntos para sa ikatlong puwesto sa women’s seri singles, sapat para makabawi sa malamyang kampanya sa nakalipas na Malaysia Southeast Asian Games. Kapos lamang siya ng isang puntos para makatabla sa silver medalist na si Nurzuhairah Mohammad Yazid ng Singapore(445).

Nakamit ni Indonesia’s Puspa Arumsasi ang gold sa naiskor na 467 puntos sa Padepokan Pencak Silat TM III Hall.

Naiganti naman ni Tsukii ang kabiguan kay Paweena Raksachart ng Thailand sa kanilang unang pagtutuos sa SEA Games women’s Kumite -50 kgs ng karatedo sa Jakarta Convention Center.

“She defeated me last year in the SEA Games so I wanted revenge,” pahayag ng 27-anyos na si Tsukii.

Ang kabiguan naman ni Regalado na makasampa sa podium sa nakalipas na Malaysia SEA Games ang ginamit niyang motivation para magtagumpay sa Asiad.

“Hindi ko napigilan ang pag-iyak noon sa SEA Games kasi po alam ko na makakamedal ako,” sambit ng 23-anyos Nutrition graduate sa Aklan State University.

Nakasilip din ng pag-asa sa boxing nang magwagi si Carlos Paalam sa men’s light flyweight duel kontra Chinese Taipei’s Tu Powei sa Jakarta International Expo.

Umusad ang 20-anyos na pambato ng San Isidro, Bukidnon, sa quarterfinals sa Miyerkules laban kay Temirtas Zhussupov ng Kazakshtan.

Naunanang nakausad sa susunod na round si flyweight Rogen Ladon para maibsan ang sakit na dulot nang kabiguan ng mga liyamadong kasangga na sina James Palicte, Joel Bacho, Neshty Petecio, Mario Fernandez at Irish Magno.

Naghihintay dina ng pag-asa kay two-time Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial na sasabak kontra Nh Kuok Kun ng Macau.