DALAWANG kapana-panabik na tapatan ang nakatakdang matunghayan sa darating na pagbubukas ng UAAP Season 81 sa Setyembre 8 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Masasaksihan na rin ang pinakahihintay na unang laro ni Bright Akhuetie matapos lumipat ng University of the Philippines mula sa University of Perpetual Help sa NCAA sa pagsabak ng Fighting Maroons sa University of the East Red Warriors na gagabayan ng bago nitong coach na si Joe Silva sa unang laro ganap na 2:00 ng hapon.

Sa isa pang laban, magtutuos naman ang season host National University Bulldogs at ang University of Santo Tomas Growling Tigers ganap na 4:00 ng hapon.

Nakatakda namang sumabak ang defending champion Ateneo de Manila University Blue Eagles at ang kanilang archrival De La Salle University Green Archers kinabukasan sa magkahiwalay na laro sa parehas ding venue.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Makakasagupa ng Green Archers ang Far Eastern University Tamaraws sa unang laro ganap na 2:00 ng hapon habang makakatapat ng Blue Eagles ang Adamson University Soaring Falcons ganap na 4:00 ng hapon.

Nakatakdang magkaharap naman sina UST head coach Aldin Ayo at dati niyang koponang La Salle sa Oktubre 3 sa MOA Arena habang ang finals rematch sa pagitan ng Ateneo at La Salle ay sa Oktubre 6.

Samantala sa women’s division, sisimulan ng defending champions NU Lady Bulldogs ang kanilang title defense kontra UST Growling Tigresses sa Setyembre 9 sa Ateneo Blue Eagle Gym.

-Marivic Awitan