Hanggang sa Linggo, patuloy na makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon dulot pa rin ng Southwest monsoon o habagat habang papalayo na at inaasahang walang magiging direktang epekto sa saanmang bahagi ng bansa ang binabantayang sama ng panahon sa labas ng Philippine Area of Responsibilities (PAR).
Sa pinakabagong ulat-panahon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes ng umaga, maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan ang mararanasan sa buong bahagi ng Luzon, partikular sa Metro Manila, Central Luzon, Cavite, at Batangas.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan sa natitirang bahagi ng bansa dulot ng localized thunderstorm.
Samantala, isa nang Severe Tropical Storm (STS) ang low pressure area (LPA) na nasa labas ng PAR malapit sa Northern Marianas, na may international name na “Soulik”.
Nitong biyernes, huling namataan ang bagyong Soulik sa 2,060 kilometer ng Extreme Northern Luzon, taglay ang hanging umaabot sa 90 kph malapit sa sentro at may pagbugsong umaabot sa 115 kph.
Ayon kay PAGASA weather specialist Meno Mendoza, hindi direktang makaaapekto ang Soulik kasama ang bagyong “Rumbia” at ang isang LPA.
Samantala, tinatayang nasa 62,459 na pamilya o 288,176 na katao ang patuloy na apektado ng baha sa Bulacan habang nasa 1,609 na pamilya o 6,198 katao mula sa 25 barangay sa Bulakan, Calumpit, Hagonoy at Paombong ang nananatili sa 32 evacuation centers sa probinsiya, kahapon.
Patuloy namang inililikas ng mga residente ang kani-kanilang mga sasakyan at iba pang ari-arian.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Liz Mungcal, nasa 29 na barangay sa baybaying bayan ang nananatiling baha.
-Alexandria Dennise San Juan at Freddie C. Velez