PH cage team, kailangan maibagsak ang China; makaiwas sa Koreans

JAKARTA – Hindi maiiwasan – maliban na lamang kung mabubuwag ang ‘Great Wall’ Team China – na makaharap ng Philippine Team-Gilas sa maagang pagkakataon ang reigning champion at kontra-pelo na South Korea sa quarterfinals ng 2018 Asian Games men’s basketball tournament.

18th asian games logo

Awtomatikong pasok sa quarterfinals ang Nationals matapos ang dominanteng 96-59 panalo sa pipitsuging Kazakhstan nitong Huwebes sa GBK Basketball Hall.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sunod na makakaharap ng Pinoy cagers sa Group D preliminaries ang China na ginagabayan ng dalawang NBA veteran – Zhou Qin ng Houston Rockets at Ding Yanyuhang ng Dallas Mavericks – na siyang magdedermina ng posisyon para sa susunod na round.

Batay sa tournament format, ang second-placer sa Group D ay haharap sa top-seed ng Group A, na inaasahang makakamit ng Korea. Dinurog ng Koreans ang Indonesia, 104-65, nito ring Huwebes at inaasahang mamasyal lamang laban sa Thailand sa susunod na laro sa Lunes.

Hindi maikakaila na iwas-pusoy hanggat maaari ang Pinoy sa Korean bunsod nang masakit na kabiguang idinulot sa sambayanan sa mga nakalipas na Asian Games.

Noong 2002, abot-kamay na ng Pinoy ang championship nang maisalpak ni Lee Sang Min ang buzzer-beating sa semifinal match. Sa 2010 Asiad sa Gianzhou, China at noong 2014 edition sa Incheon, Korea ang salarin sa pagkatalsik ng Pinoy sa torneo.

Sa pagkakataong ito – sa tulong ni Fil-Am Jordan Clarkson ng Cleveland Cavaliers – maiiwasan ng Pinoy ang ‘Korean tragedy’ kung mananalo sa China.

Mula sa mahabang biyahe, kaagad na naki-ensayo si Clarkson sa Ph Team ilang oras matapos ang magaan na panalo sa Kazakhstan.