HAVANA (AFP) – Nanawagan nitong Lunes ang Cuba sa kanyang mga mamamayan na sumali sa serye ng public debates sa bagong konstitusyon na kikilalanin ang papel ng market forces at private enterprise sa ekonomiya ng Communist island.
Isang referendum ang gaganapin sa Pebrero 2019 para sa bagong post-Cold War constitution, at nanawagan ang one-party state sa mga mamamayan na sumali sa mga debate na gaganapin sa mga unibersidad at lugar ng trabaho simula Agosto 13 hanggang Nobyembre 15 ngayong taon.
Sa unang pagkakataon simula ng 1959 revolution, ang 1.4 milyong Cubans na naniniragan sa ibang bansa, ay inimbitahan din para makilahok sa diskusyon.
Ang timeline para sa mga debate ay itinakda bilang parangal sa namayapang lider ng rebolusyon na si Fidel Castro, na isinilang noong Agosto 13, 1926 at namatay noong Nobyembre 25, 2016.
Sinabi ni President Miguel Diaz-Canel, pumalit sa nakababatang kapatid ni Castro na si Raul noong Abril na sa proseso ng public consultation, ‘’every Cuban can freely express their opinion.’’