SIMULA nang manawagan si Pangulong Duterte para sa pagpasok ng ikatlong kumpanya ng telecommunication na maaaring makatulong sa pagpapaganda ng serbisyo ng Internet sa bansa, marami ng grupo, lokal at dayuhan, ang nagsimulang kumilos upang makilahok at makapasok sa napakahalagang ikatlong puwesto sa isang industriya na naging mahalagang kasangkapan sa pagsulong at pagpapaulad ng ekonomiya ng bansa.
Ngunit kahit pa wala ang ikatlong pangunahing telco, patuloy na pinapalakas ng mga kumpanyang nakapasok na sa industriyang ito ang kanilang serbisyo at pagbuo ng mga plano para sa mas mabilis na koneksiyon ng Internet. Isang pagtutulungan ang inanunsyo kamakailan ng malaking kumpanya ng kuryente ang Manila Electric Co. (Meralco) at ang Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) na planong magpakalat ng 5G next-generation technology.
Tila ideyal na gamit ang mga poste ng Meralco para sa bagong teknolohiya. Mas mababa ang mga ito at higit na mas marami kumpara sa naglalakihang tore na ginagamit ngayon para sa 3G at 4G technology. Ang kasalukuyang kumpanya na nagbibigay serbisyo ng Internet—Globe at Smart—ay matagal nang dumaraing sa mahirap na pagkuha ng pahintulot sa pamahalaan para sa pagtatayo ng kanilang mga tore. Iminungkahi pa ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga tore para magamit ng mga kumpanya.
Naging laman kamakailan ng mga balita ang Meralco dahil sa isang pag-aaral na isinagawa International Energy Consultants (IEC), isang kumpanya na nakabase sa Australia na nakatuon sa Asian power markets. Lumabas sa pag-aaral na bumaba ng walong porsiyento ang residential rate ng Meralco simula noong 2012 at isa sa pinakamura sa buong Asya, liban lamang sa maraming ibang bansa kung saan pamahalaan ang nagbibigay ng subsidiya.
Sinabi ni IEC Managing Director Dr. John Morris, na siyang namuno sa pag-aaral, na 3% lamang ang itinaas ng taripa ng Meralco “despite the twin headwinds of significant fuel price increases and a depreciating local currency.” Ang government subsidies, aniya, ay may malaking papel sa ibang bansa. Kapag hindi isinama ang subsidized markets, ang taripa ng Meralco ang magiging pinakamababa sa Asya, aniya.
Ang subsidiya ng pamahalaan sa kasalukuyan ang artipisyal na nagpapababa sa presyo ng kuryente sa mga bansa ng Thailand, Indonesia, Malaysia, Korea at Taiwan, ayon sa IEC. Ang subsidiya sa mga bansang ito ay ibinibigay sa pamamagitan ng pagbibigay ng salapi, tulong na gatong, at isinasantabing mga gastos; ibinababa nila ang taripa sa 41%. Kung titingnan ang naging resulta ng pag-aaral, baka kailangang ikonsidera ng gobyerno ang pagkakaroon ng programang subsidiya, tulad sa ibang mga bansa, upang mapababa ang presyo ng kuryente sa Pilipinas.
Ngunit sa kasalukuyang kinakaharap na mga problema ng pamahalaan, hindi maaasahan ang anumang subsidiya sa ngayon, kaya kinakailangan itong suungin ng mga pribadong industriya ng walang tulong ng gobyerno. Ang planong pagtutulungan ng Meralco at PLDT para sa paglalabas ng 5G network ay magiging isang malaking hakbang. Wala mang kahit anong tulong ng pamahalaan at ang paggamit ng mga kasangkapang matagal nang naitayo ng Meralco—ang libu-libo nitong mga poste ng kuryente—ang pakikipagtulungan nito sa PLDT at ang pagpapakilala ng bagong 5G technology ay inaasahang makapagbibigay ng mas mabilis na Internet at mas maaasahang koneksiyon sa buong bansa at natitirang bahagi ng mundo pagsapit ng 2020.