SIBAK na sa National Team, binitiwan na rin ng Alaska Aces ang kontrobersyal na si Calvin Abueva.
Sa hindi inaasahang desisyon, ipinamigay ng Alaska sa Phoenix ang mainitin at one-time Best Player of the Conference na si Abueva kapalit ng 2019 first-round draft pick at ni Karl Dehesa.
Matapos ang anim na taong paglalaro sa Alaska, tuluyang pinutol ng Alaska ang ugnayan sa 30-anyos na si Abueva na nahaharap sa iba;t ibang kontrobersya, tampok ang personal na problema na naging daan sa kanyang pag-AWOL (Absent Without Official Leave).
Pinatawan siya ng indefinite suspension dahil dito. Ngunit, marami ang nagulat sa biglang pagdating ni Abueva sa practice session ng Alaska, subalit iyon na ang huli niyang pakikiisa sa mga dating katropa.
Kinuha ng Alaska si Abueva bilang second overall sa likod ni June Mar Fajardo noong 2012 PBA rookie draft.
Matikas ang naging performance ng dating NCAA MVP mula sa San Sebastian, subalit nasangkot ito sa iba’t ibang kontrobersya, tampok ang pagkasangkot sa rambulan ng Gilas Pilipinas laban sa Australian Boomers nitong Hulyo 2 na naging saan sa kanyang suspensyon na anim na laro ng FIBA (International Basketball Federation).
“We would like to thank Calvin for his six years of service with Alaska and the good memories. We felt as a franchise it was best for both Alaska and Calvin to have a fresh start at this time,” pahayag ng Alaska management sa media statement