ANG pag-angat ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngayon ay kinatawan ng Pampanga, bilang House Speaker, ay tiyak na hindi ipinagdiriwang ng mga talunan. Inaasahan ito at hindi maibibintang kaninuman. Sumobra lang ang kumpiyansa ng dating liderato ng Kamara.
Tulad ng ibang nakagugulat na panalo, laging mayroong pumupuna. Sa kaso ni Arroyo, karamihan sa mga naninirang-puri sa kanyang tagumpay ay mga taong mayroong personal na palakol para wasakin siya.
Gayunman, maituturing na personal na pagliligtas ang tagumpay ni Arroyo sa Kamara. Hindi lamang niya napatunayan ang kanyang katatagan; naitatag din niya ang maraming UNA sa lehislatura -- unang babaeng House Speaker, unang dating Pangulo na naging mambabatas sa Kamara, unang punong ehekutibo na naging Speaker, at iba pa.
Para sa community press, nagpapaalala ang bagong tagumpay ni Arroyo sa mga media player sa mga lalawigan, ng kanyang suporta sa kanila noong 2006, nang ideklara niya ang Disyembre bawat taon bilang Community Press Month. Maaaring maliit na bagay lamang iyon ngunit binibiyang-diin nito ang pagpapahalaga na kanyang ipinakita sa mga peryodista sa kabila ng salungat na impresyon.
Bilang bagong Speaker, kuwalipikado rin siyang tawaging pangatlong House leader na nagmula sa Mindanao (kasunod nina Prospero Nograles at Pantaleon Alvarez). Nanirahan siya sa Iligan City noong dalagita pa siya at naroon pa rin ang tahanan ng kanyang mga ninuno.
Ang katapat niya sa Estados Unidos ay si Nancy Pelosi, isang California Democrat na naging House leader noong Enero 3, 2006. Sa taon ding iyon nilagdaan ni Pangulong Arroyo ang Community Press Month declaration.
Ang mga puna kaugnay ng kanyang pag-angat sa Kamara ay hindi naging positibo bunga ng kanyang nakaraan. Gayunpaman, marami ang naniniwala na bilang repormadong pulitiko at kanyang malapit na kaugnayan sa Pangulo, magsisikap siyang isulong ang mga lehislatibong akma sa mga programa ng administrasyong Duterte.
Kaiba sa pinalitan niya na binansagang mapagmataas, kilala si Arroyo sa hangarin niyang isulong ang kaunlaran ng bansa. Sa pangako niyang susuportahan ang lehislatibong agenda ng Pangulo, inaasahang magiging maayos ang kanyang pamamahala bagamat hindi pa gaanong nauunawaan sa ngayon.
Dahil prioridad ni Pangulong Duterte ang kaunlaran ng bansa, tiyak na makatutulong ang kuwalipikasyon ni Arroyo bilang ekonomista. Mariing pinagtatalunan ng mga analitiko na ang pag-angat ng bansa bilang isa sa pinakamabilis sa Asya, ay bunga ng inisyatibong pinasimulan niya noong siya pa ang pangulo.
Maaaring hindi sang-ayon ang ilan ngunit ang papuri ay para sa sinumang karapat-dapat. Bilang House Speaker, dapat natin siyang bantayan.
-Johnny Dayang