Tiniyak kahapon ng Malacañang na walang itinatagong sakit si Pangulong Duterte sa publiko matapos ang kanyang hospital check-up nitong Linggo ng gabi, bisperas ng kanyang State-of-the-Nation Address (SONA).

Ito ang siniguro kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa publiko, sinabing mas malakas pa sa kabayo ang Presidente nang mag-rehease ito noong Linggo para sa SONA kinabukasan.

Gabi bago ang SONA, bumisita ang Pangulo sa ospital para sa kanyang routine medical check-up, at natiyak sa mga pagsusuri ng mga doktor na maayos ang kalusugan ng Presidente.

“Ang Presidente naman walang tinatago. Kung ano ang mga nararamdaman ay sasabihin sa bayan. Routinary check-up po,” pahayag ni Roque sa isang panayam sa radyo.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Matapos umanong magpa-check-up ang Pangulo ay kaagad itong nag-rehearse at nakapagbiro pa umano tungkol sa kanyang kalusugan.

“Sabi niya kahapon, ‘Ay nako sabihin mo na doon sa aking mga kalaban, malapit na, nang sila ay magdiwang’,” kuwento pa ni Roque.

Una nang inamin ng 73-anyos na Pangulo na nakakaramdam siya ng back pains at migraine na epekto ng naranasan niyang aksidente, at ng iniinda niyang Buerger’s disease o pamamaga ng mga blood vessels.

-Genalyn D. Kabiling