Makakaasa ang publiko na matutupad ng Punong Ehekutibo ang kanyang mga pangako upang mabigyan ng maginhawang buhay ang lahat, paniniguro ng nangungunang legal counsel ni Pangulong Duterte.

Ipinahayag ito ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ilang araw bago iulat ni Duterte ang kanyang mga naabot at plano sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Panelo na mas marami pang aasahan ang publiko mula sa Pangulo, lalo na sa imprastruktura.

“Marami iyan. Magkakaroon tayo ng construction sa Pilipinas at sila maglalabasan iyang mga airport, bagong mga skyway... Mayroon pa tayong mga train na lalabas,” pahayag ni Panelo sa panayam sa Radyo Pilipinas, nitong Biyernes.

Malaca<b>ñang sa umano'y pagtakbo ni VP Sara sa 2028: 'It's her privilege'</b>

“Tinutupad at ginagampanan ng President ang kanyang tungkulin,” dagdag niya.

Samantala, binatikos naman ni Panelo ang mga kritiko ng Pangulo, sinabing sinusubukan lamang ng mga ito na hanapan ng mali si Pangulong Duterte.

“Iyong mga nandiyan sa kabila, eh talagang naghahanap lang na mapipintasan si Presidente,” aniya.

“Pero ang katotohanan niyan, lahat ng mga pinangako niya… ginawa na at ginagawa pa,” dagdag niya.

Idinagdag ni Panelo na patuloy sa pagkilos ang Pangulo sa pangunahin niyang pangako noong kampanya na susugpuin ang ilegal na droga sa bansa.

“Siya mismo ang nagsabi na hindi ko akalain na ganoon ka grabe ang drug industry sa Pilipinas, kaya hindi talaga magagawa ng isang taon,” sabi niya.

Sinabi rin ng opisyal ng Palasyo na isa pang pangako ni Pangulong Duterte ang malapit nang matupad dahil inaasahang lalagdaan na nito ang Bangsamoro Organic Law sa araw mismo ng SONA.

“I’m sure, kung tapos na iyon pipirmahan niya iyon dahil iyon ang pinangako niya,” sambit ni Panelo.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS