Limang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay nang makipagbakbakan ang mga ito sa militar sa magkahiwalay na lugar sa Patikul, Sulu, nitong Huwebes ng hatinggabi.
Sa report na nakarating sa Armed Forces of the Philippines- Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), ang unang engkuwentro ay naganap sa hangganan ng Barangay Tanum at Liang, Patikul, Sulu.
Nagpapatrulya ang puwersa ng 45th Infantry Battalion ng Philippine Army (PA) sa lugar nang matiyempuyhan nila ang mahigit sa 20 bandido, na pinamumunuan ni sub leader Almujer Yaddah.
Matapos ang bakbakan, apat na bandido ang bumulagta at apat pa nilang kasamahan ang nasugatan, ayon na rin sa isang human intelligence kung saan binanggit na isang sundalo rin ang napatay habang dalawa pang kasamahan nito ang nasugatan na agad isinugod sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital.
"The wounded soldiers were airlifted to Camp Navarro General Hospital early this morning for further medication," ayon kay Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, Joint Task Force Sulu commander.
Habang nagpapatrulya rin ang mga tauhan ng 1st Scout Ranger Battalion, namataan nila ang grupo ng Abu Sayyaf at nakaengkuwentro ng mga ito sa Bgy. Tabu- Bato, Maimbung, Sulu, nitong Huwebes ng umaga.
Makaraan ang sagupaan, tumimbuwang ang isang bandido at narekober ang isang M16 rifle.
"My salute to our fallen soldier and my prayers for the other two who are currently recuperating at CNGH," paglalahad naman ni Lt. General Arnel B. Dela Vega, Western Mindanao Command chief.
Kaugnay nito, walo pang miyembro ng Abu Sayyaf ang sumuko sa militar sa Western Mindanao, sa nakalipas na 72 oras.
-Francis T. Wakefield at Nonoy E. Lacson