Tatlumpung katao ang iniulat na nadagdag sa listahan ng mga nasawi dahil sa HIV/AIDS infection noong Mayo, ayon sa Department of Health (DoH).
Batay sa ulat ng HIV/AIDS Registry of the Philippines (HARP) ng DoH, ang nasabing bilang ng mga nasawi ay kabilang sa 950 bagong kaso ng HIV na naitala sa bansa sa nasabing buwan.
Mas mababa ang bilang ng mga bagong kaso ng sakit kumpara sa 1,098 naitala noong Mayo ng nakaraang taon.
“In May 2018, there were 950 new HIV anti-body seropositive individuals reported to the HIV/AIDS Registry of the Philippines,” ayon sa datos na inilabas ng DoH-Epidemiology Bureau.
Nananatili namang pakikipagtalik ang nangungunang dahilan ng pagkakahawa ng sakit, sa 914 na naitalang bagong pasyente.
Ang iba pa namang modes of transmission ay nakuha ng mga drug user, na gumagamit ng iisang karayom sa pagtuturok ng ilegal na droga, habang mayroon ding nahawa habang nasa sinapupunan pa lang ng ina.
Lima sa mga pasyente ay buntis nang matuklasang dinapuan sila ng nakakahawang sakit, kabilang dito ang tatlo mula sa Region 7, habang ang dalawa ay mula naman sa National Capital Region (NCR) at Region 4A (Calabarzon).
Pinakamaraming naitalang bagong kaso sa National Capital Region (294 kaso o 31%), Calabarzon (163, 17%), Central Visayas (94, 10%), Central Luzon (86, 9%), at Western Visayas (61, 6%).
-Mary Ann Santiago