Tinatayang nasa P1 milyon ang halaga ng ari-ariang natupok at isang tao ang nasugatan makaraang masunog ang ilang bahagi ng isang pampublikong palengke sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Base sa report ni Quezon City Fire Marshal Senior Supt. Manuel M. Manuel, dakong 4:00 ng umaga nang masunog ang bahagi ng NEPA Q-Mart sa EDSA, Ganda Street sa Barangay E. Rodriguez.

Sa imbestigasyon ni Chief Insp. Rosendo Cabillan, nagmula ang sunog sa faulty wiring sa mezzanine ng palengke, at nilamon ng apoy ang ilang tindahan sa ibabang bahagi nito.

Sa maagap na pagresponde ng 21 fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP), at sa tulong ng 17 fire volunteers ay tuluyang naapula ang apoy dakong 6:00 ng umaga makaraang umabot sa ikaapat na alarma.

National

Amihan, ITCZ, patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa – PAGASA

Sa kasagsagan ng sunog, nagtamo ng mga paso sa katawan ang tumulong sa pag-apula ng apoy na si Edgar Advincula, na kaagad na sinaklolohan ng isa sa apat na ambulansiya para maisugod sa East Avenue Medical Center.

-Jun Fabon