Arestado ang isang holdaper matapos biktimahin ang isang lalaki sa Barangay Harapin ang Bukas, Mandaluyong City, kamakalawa.

Bukod sa kasong robbery, sasampahan din ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at driving without license si Jesslor Cabasag, 22, ng 75 Unang Hakbang Street, Bgy. Sto. Niño, Quezon City.

Sa ulat ng Mandaluyong City Police, naaresto ang suspek matapos nitong holdapin si Karl Joshua Estrella, 24, office staff, sa H. Lozada St., kanto ng S. Guzman St., sa Bgy. Balong Bato, San Juan City bandang 3:30 ng hapon.

Naglalakad si Estrella nang hintuan ng suspek, na sakay sa itim na motorsiklo, at saka tinutukan ng balisong at sapilitang kinuha ang kanyang cell phone na nagkakahalaga ng P10,000.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nasaksihan ng isang concerned citizen ang insidente at agad ini-report sa awtoridad ang nakita.

Tuluyang naaresto si Cabasag sa pagresponde ng mga tauhan ng Mandaluyong City Police-PCP 5.

Nabawi sa suspek ang cell phone ng biktima, at narekober ang balisong na ginamit nito sa krimen at ang motorsiklo. Bukod diyan, nakuha rin kay Cabasag ang isang pakete ng umano’y shabu.

-Mary Ann Santiago