Sa selda ang bagsak ng dalawang Japanese makaraang magpapalit ng mga pekeng US$100 dollar bills sa isang money changer at tangkang suhulan ang awtoridad sa Makati City, nitong Lunes.
Iprinisinta kahapon nina Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario at Makati City Police chief, Senior Supt. Rogelio Simon ang mga suspek na sina Noa Shimegi, 27; at Yoshitaka Yamamoto, 48.
Sa ulat, nagtungo si Shimegi sa isang money changer na matatagpuan sa Hidalgo Tower, Rockwell Center, Barangay Poblacion sa nasabing lungsod, bandang 3:00 ng hapon.
Tinangka umanong ipapalit ni Shimegi ang 10 pirasong US$100 sa money changer, subalit natuklasang peke ang mga ito kaya agad ini-report sa awtoridad at ipinaaresto ang suspek.
Nakumpiska kay Shimegi ang mga pekeng dolyar at tuluyang pinosasan.
Samantala,habang isinasailalim sa inisyal na imbestigasyon si Shimegi ay dumating si Yamamoto bitbit ang P50,000 cash, dakong 7:30 ng gabi.
Inalok umano ni Yamamoto ang nasabing halaga sa mga pulis kapalit ng kalayaan ni Shimegi.
Dahil dito, agad inaresto si Yamamoto at kasama niyang sa selda si Shimegi.
Sasampahan si Shimegi ng kasong Possession of Counterfeit US Dollars, habang bribery naman kay si Yamamoto, sa Makati Prosecutor’s Office.
-Bella Gamotea