Mabilis ang pagkilos ng bagyong ‘Henry’ na nag-landfall nitong Lunes ng gabi sa dulong hilaga ng Cagayan.

Sa taya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bago magtanghali nitong Lunes ay nasa layong 415 kilometro ang bagyo sa silangang bahagi ng Calayan island sa Cagayan, na may dalang hanging umaabot sa 55 kilometers per hour (kph) at pagbugsong umaabot sa 65 kph.

Ayon kay Nikos Peñaranda, PAGASA weather specialist, inaasahang tatawirin ng bagyo ang Batanes at Babuyan group of island matapos itong mag-landfall sa hilaga ng Cagayan.

Malakas na ulan ang babayo sa mga nasa ilalim ng Signal No. 1: ang Batanes, Nothern Cagayan, Babuyan group of island at hilagang Apayao at Ilocos Norte.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Kahapon, kanselado ang klase sa tatlong paaralan sa isang barangay sa Malabon City dahil baha pa rin ang siyudad dulot ng ulan at high tide.

Reklamo ng mga residente, umabot hanggang sa gutter ang tubig baha kaya walang pasok sa Academia, Dampalit Elementary School at Merville Dampalit Integrated School, dahil sa lagpas talampakan ang baha.

Ngayong Martes inaasahang lalabas sa bansa ang Henry patungong Hainan sa China.

Gayunman, patuloy pa ring makaaapekto ang habagat sa ilang bahagi ng kanlurang Luzon at Visayas hanggang sa pagtatapos ng linggo.

Samantala, sinabi naman ni PAGASA-Weather Division Assistant Services Chief Robert Sawi na isang namumuong sama ng panahon ang binabantayan ng ahensiya malapit sa timog-silangang bahagi na posibleng umanong maging low pressure area at bagyo sa loob ng susunod na dalawang araw.

Kapag naging bagyo sa loob ng Philippine area of responsibility, tatawagin itong ‘Inday’.

-Ellalyn De Vera-Ruiz at Orly L. Barcala