Hindi ininda ng libu-libong miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang manaka-nakang buhos ng ulan kahapon at dumalo pa rin sa kanilang “Lingap Laban sa Kahirapan” outreach program, na idinaos sa Quirino Grandstand sa Maynila kahapon.
Ayon sa Manila Police District (MPD), dakong 4:00 ng umaga pa lang ay nagsimula nang dumagsa sa lugar ang mga INC members mula sa iba’t ibang lugar ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, kahit na 8:00 ng umaga pa ang simula ng programa.
Sa taya ng MPD, pagsapit ng 1:00 ng hapon ay umabot na sa 80,000 katao ang nasa Quirino Grandstand para sa naturang outreach program, na bahagi ng ika-104 na anibersaryo anniversary ng INC.
Sa ilalim ng Lingap Laban sa Kahirapan, nagdaos ng libreng dental at medical check-up at consultations ang INC.
Nagkaroon rin ng mga pagtatanghal at bible exposition pagsapit ng hapon.
Kinailangan namang isara ang ilang kalsada sa lungsod upang bigyang-daan ang naturang aktibidad.
-Mary Ann Santiago