KAMAKAILAN lang, giniyagis ng dengue ang Pilipinas. Maraming Pilipino ang namatay (hindi nasawi) at marami rin ang nagkasakit. Sinisi ng ilang sektor ang nangyaring trahedya sa pagtuturok ng bakunang Dengvaxia sa mga mag-aaral, na umano’y dahilan ng pagkamatay (hindi pagkasawi) ng ilang batang estudyante.
Noon, hanggang bukung-bukong ang damit ni Maria Clara. Ngayon, hanggang singit ang short, at maong pants ng modernong Maria Clara. Pakat na pakat ang dalawang pisngi ng “langit.”
Ang mga lalaki ngayon (inuulit natin) ay tadtad ng tattoo sa buong katawan. Nakahikaw pa at nakapusod. Ang mga babae rin ay may mga tattoo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Anyway, ang pagpapa-tattoo raw ay isang artistic inclination at hindi dapat masamain.
Totoo bang may mga kumpanya o establisimyento na ayaw tumanggap ng mga lalaki o babae na may mga tattoo? Sa mga konserbatibong tao, nilalapastangan ng kabataang lalaki at babae ang kanilang katawan sa paglalagay ng mga tattoo. Hindi bale kung sila ay mga katutubo sa Cordillera o sa ilang panig sa Mindanao dahil ito ay saklaw ng kanilang kultura.
Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang Department of Justice (DoJ) kung ang sunud-sunod na pagpatay sa mga lokal na opisyal ay bahagi ng “destabilization” laban sa Duterte administration. Inatasan ni DoJ Sec. Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsiyasat sa mga pagpatay, at alamin kung ito ay interrelated o magkakaugnay, na ang layunin ay i-destabilize o yanigin ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD).
Nitong nakalipas na ilang araw, napatay sina Tanauan City (Batangas) Mayor Antonio Halili, General Tinio (Nueva Ecija) Mayor Ferdinand Bote at Trece Martires City (Cavite) Vice Mayor Alex Lubigan. Nais ni Guevarra na alamin ni NBI Director Dante Gierran kung may pattern sa tatlong pagpatay o magkakaiba.
Ipinahayag ni Jose Ma. Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP), na dapat patalsikin si PRRD, at handa umanong tumulong ang kilusang komunista sa pagpapatalsik sa dating estudyante. Tugon naman ni Mano Digong na subukan ng CPP-NPA na patalsikin siya sapagkat handa siyang lumaban hanggang sa wakas.
Samantala, hinamon ni PDu30 ang sinumang makapagpapatunay na may Diyos, kapalit ng kanyang agarang pagbibitiw. Kailangan daw na may selfie ang naturang tao at ang Diyos. Noong Lunes, may ganitong news sa isang English broadsheet: ‘God’ responds to Rody tell him to go.” Sa pamamagitan ng Twitter, sinabi ng ‘Diyos’ (Pardody Account @The TweetofGod), ang palamurang Pangulo ay puwede nang mag-resign ngayon. Siya ay sumagot na.
“Here I am. Now go, bastard,” anang Tweet. Ang Twitter account ay ginawa ni David Javerbaum,
isang award-winning writer at producer ng The Daily Show kasama si Jon Stewart at James Corden. May limang milyon daw na followers ang Twitter. Duda ang maraming Pinoy kung mapatutunayan ito ni Javerbaum at kung mapaniniwala niya si Pres. Rody.
-Bert de Guzman