NANG magsama-sama sa isang news forum nitong nakaraang Linggo sina dating Interior secretary Rafael Alunan; Rep. Gary Alejano ng Magdalo Partylist; at Director James Jimenez, spokesperson ng Commission on Election (COMELEC) -- karamihan sa dumalong taga-media ay umasa ng isang umuusok na pagpapalitan ng kuru-kuro, dahil na rin sa medyo magkakasalungat na pinaninindigan ng tatlong resource speaker.
Walang umusok na balitaktakan -- ang tanging umuusok nang mga oras na ‘yon ay ang masarap na brewed coffee na inihain ng host ng news forum na Balitaan sa Maynila na ginawa sa Tinapayan Building sa Dapitan street sa Sampaloc – sa kabila ng mga mainit na isyung pinag-usapan kaugnay ng nalalapit na 2019 elections, “rising political killings” at ang pambansang seguridad dulot ng sigalot sa West Philippines Sea.
Walang namuong tensyon at pagtatalo sa pagitan nilang tatlo dahil naging magkakatugma ang kanilang mga pananaw at sinang-ayunan pa nila ang pahayag ng isa’t isa.
Sa pananaw nilang tatlo, ang pinag-uugatan ng magkakasunod na pamamaslang ng mga local official sa bansa ay bahagi lamang ng “umiinit na klima” sa pagitan ng magkakalaban sa pulitika ngayong panahong papalapit na ang 2019 election. Sa tingin nila ay ganito namang palagi ang nangyayari sa Pilipinas tuwing papalapit na ang election.
Ang solusyon nila sa problemang ito ay “tough enforcement” sa pagbubuwag ng mga private armies at “recovery of loose firearms” sa buong bansa nang walang pinipili!
Naaalala ko rin ito na naging “very effective” noong administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos, at tinawag nila itong “Oplan Paglalansag” at ang naging bida sa mga operasyong ito noon ay ang DILG, sa ilalim ng pamumuno ni “Tiyo Paeng” – ang “terms of endearment” naming taga-media noon kay Secretary Alunan!
Ang “Oplan Paglalansag” ang pangunahing dahilan kaya sa unang pagkakataon – ang eleksyon noon sa Cavite na palaging may naitatalang napapatay -- ay walang naitalang nagkasakitan man lang!
Nagkaisa silang tatlo na kailangang i-reporma ang Criminal Justice System (CJS) dahil “infiltrated” na ito ng mga kriminal. Ang rekomendasyon nila ay “housecleaning” upang ma-sanitize sa apat na government pillars ng CGS - Police, Prosecutors, Judges, at Jailers – at palitan agad ng hasa na para sa naturang trabaho!
Bilang isang mambabatas sa Kongreso, sumang-ayon naman si Rep Alejano sa “urgency” na makapagsabatas agad ng “pertinent bills” na babago at magbibigay ng reporma sa CGS, upang makatulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa kriminalidad, laban sa droga, anti-corruption at anti-terrorism.
Inanunsiyo ni Comelec director Jimenez na hinaharap nila ngayon ang makabagong “technical challenges” para makaboto sa pamamagitan ng ON-LINE SYSTEM ang mga OFWs. Pinag-aaralan pa nila ito ng husto upang maging “foolproof” at “tamperproof” para magamit na agad sa darating na elections.
Ipinaalala rin ni Jimenez na huwag kalimutan na magparehistro upang makaboto sa darating na 2019 elections. Bukas ang mga sangay ng COMELEC mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng umaga, Lunes hanggang Sabado. Pinag-uusapan na rin ng pamunuan ng DFA kung kailangan pang ibalik ‘yong mga satellite office ng COMELEC, na binuksan sa mga mall, na siyang nakahakot ng malaking bilang ng mga botanteng millennial.
Ang medyo ikinagulat kong update mula kay Director Jimenez ay nang sabihin niyang wala ng restrictions para sa “pre-campaign period” – dahil ito sa pinakahuling ruling ng Supreme Court na hindi sakop ng election laws ang pre-campaign spending. Kaya naman pala itong isang kandidatong panay ang tanggi na tatakbo siya, pero ang imahe niya naman na ipino-project sa naglalakihang BILLBOARD na nakakalat sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, ang nagbuko sa madla ng tunay na plano niya!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.