Nauwi sa trahedya ang masayang bakasyon ng isang pamilyang Pilipino nang mamatay ang limang miyembro nito sa aksidente sa highway sa Amerika, nitong Biyernes.

Sa ulat ng US media kahapon, namatay sa aksidente ang ama ng tahanan na si Audie Trinidad, 61, at mga anak nitong sina Kaitlyn, 20, Danna, 17, at 13-anyos na kambal na sina Allison at Melissa.

Solong nakaligtas sa aksidente ang ina ng tahanan na si Mary Rose Ballocanag Trinidad, 53, na ginagamot ngayon sa Christiana Hospital sa Newark, Delaware.

Pauwi na ang pamilya sa Teaneck, New Jersey matapos magbakasyon sa Ocean City, Maryland nang banggain ng isang Ford pick-up truck ang kanilang sinasakyang Toyota Sienna sa Delaware Highway 1, dakong 3:00 ng hapon.

National

Palasyo, idiniing alam ng China na 'diplomasya' ang nais ng PBBM admin

Natutulog sa sasakyan si Mary Rose nang mangyari ang trahedya at nagising na lamang siya sa ospital na wala na ang kanyang mag-aama.

Daan-daang residente sa New Jersey ang lumabas ng kanilang bahay at nagtungo sa Votee Park sa Teaneck, upang suportahan ang pamilya Trinidad.

Naglunsad din ng online fundraising sa GoFundMe para sa pagpapagamot ni Mary Rose. Umabot na sa $50,000 ang nalikom na pondo sa loob ng 10-oras simula nang ipaskil ito.

-Bella Gamotea