NADANTAYAN muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapin tungkol sa jueteng. Kung pipigilin daw ito, maaaring lumala ang krimen sa bansa. Sa aking suking taga-sunod sa kolum, ilang beses ko nang ginawang ulam ang tungkol sa dapat ay ipinagbabawal na laro. Mahirap talagang masawata ang jueteng, maski sa Visayas at iba pang lugar sa bansa.
Dahil malakihang pera ang kapit-tukong nakasalpak sa “lagayan” ng bulsa ng mga pulis at pulitiko. Mismo ako, may kilalang dating PNP Chief na may buwanang natatanggap na pera noon na mula sa jueteng. Ganoon katindi ang laro, dahil pati Palasyo, may lingguhang pamasko! Halimbawa, sa panahon ni PNoy ang inaakyat na kwarta ng jueteng ay P20 hanggang P25 milyon bawat linggo, o halos tumataginting na P1.2 bilyon taun-taon. Mantakin ba naman, cash ang bigayan, at walang resibo para mabantayan ng BIR. Hindi rin kasama sa SALN, dahil paano mo ililista ang perang galing sa bawal. Kaya sa panahaon na naghahari ang “dilawan”, walang binabatingaw o kahit dighay ang Malacañang para matanggal ang ang jueteng. Kahit STL ng PCSO, nagagamit bilang front ng mga jueteng lords.
Paano nga naman huhulihin ng pulis o NBI ang ‘kabo’ ng magjue-jueteng kung may legal na ID sa STL. Hindi ako kumbinsido sa kalakaran na tokahan ang mga STL operators ng mas malaking porsyento sa kanilang kita, bilang karagdagang pondo ng PCSO. Kasi nga hindi rin malinaw at siguro ayaw ding ipaalam ng mga STL operators magkano talaga ang kanilang kabuuang tubo.
Ito dapat ang maging basehan ng porsyentong binabayaran nila sa PCSO. Papapa-isip tuloy ako, bakit ang ganitong sistema ay agad na sinang-ayunan ng PCSO? May nabibiyayaan bang opisyal para huwag ipatupad ang lantad, tapat, at makatotohanang “balance o accounting sheet” na kinikita ng STL?
Madali lang ang kasagutan sa ganitong mala-aninong operasyon. Bigyan ng kontrata ang mga LGU na maging sosyo na rin sa STL. Kahit mag-dalawang bola pa sa isang araw. Diyan mo masasaksihan ang seryosohang pagpapatupad at paghuli sa mga ahente ng STL. Ang perang malilikom ng LGU ay gagawing pondo sa bagong mga ospital, libreng gamutan, x-ray, dialysis machine, MRI at iba pa, bilang budget sa panlipunang kawanggawa at damayan
-Erik Espina