ITINANGGI ng Catholic Bishops’ of the Philippines (CBCP) na ang Simbahang Katoliko ay ginagamit para i-destabilize ang Duterte administration. “Hindi ito totoo. Walang ganoon. Ito ay gawa-gawa lang na galing kung saan. Definitely, it did not come from the Church. I can assure you of that,” pahayag ni Cavite Bishop Reynaldo Evangelista, chairman ng CBCP Public Affairs Committee.
Sa larawan na nalathala sa isang English broadsheet noong Biyernes, nakatutuwang makita na nagmamano si PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa pulong ng mga pinuno ng PNP at Simbahan sa punong-tanggapan nito sa Maynila noong Huwebes.
Kahit papaano, maliwanag na si Albayalde ay isang Katoliko at naniniwala sa Diyos ng mga Katoliko at Kristiyano. Ayon kay Bishop Evangelista, hindi magpapagamit ang Simbahan para “ugain” o i-destabilize ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Pinabulaanan ni Evangelista ang pahayag ni political operator Pastor Boy Saycon, hinirang ni PRRD na miyembro ng special team na binuo ng Pangulo para makipag-usap sa religious groups. Siya ay naatasang makipag-dialogue sa mga opisyal ng Simbahan samantalang sina presidential spokesman Harry Roque at DFA Usec. Ernesto Abella ay makikipag-usap naman sa ibang religious denominations, gaya ng mga Born Again. Sino ba si Boy Saycon?
Maging ang Archdiocese of Manila ay nagpahayag na “fake news” ang social media reports na hinihikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mamamayan na i-takeover ang gobyerno. Ganito ang pahayag: “The Office of the Communications of the Archdiocese would like to clarify that Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle does not issue any statement or message stating that the Church should take leadership over the government, particularly the one spreading in social media the past few days,” ayon kay Fr. Roy Bellen, puno ng Archdiocese of Manila Office of Communications.
Nakatutuwang malaman na nagbago na ngayon ng pahayag ang ating Pangulo tungkol sa isyu ng panlalait niya sa Diyos. Sa banner story na “Rody: I have faith in God”, idineklara nyang naniniwala siya sa Diyos bagamat itinanggi niyang tinawag niya ang Creator o Maylikha na isang “stupid.”
Sa harap ng mga vice mayor sa Bohol, binigyang-diin niya na ang kanyang Creator ay isang “forgiving God”. Hindi siya mag-a-apologize sa mga kritiko pero nangako siyang mananahimik na siya sa pakikipag-away sa Catholic Church.
Marahil ay sumusunod siya sa isinasaad ng Ecclesiastes sa Bibliya na lahat ng bagay sa mundo ay may kanya-kanyang panahon, tulad ng panahon ng pagsilang, panahon ng kamatayan, at iba pa. Siguro ay naisip ng mahal na Pangulo na panahon na para siya ang manahimik ngayon matapos niyang murahin at laitin ang Diyos ng mga Katoliko. Eh, sino nga ba ang Diyos niya? Aba, ewan natin!
-Bert de Guzman