Sisimulan nang muli ng Commission on Elections (Comelec) bukas, Hulyo 2, ang voter’s registration sa bansa para sa mid-term elections sa Mayo 13, 2019.
Kaugnay nito, hinimok ni Comelec Spokesperson James Jimenez ang mga botante na samantalahin ang pagkakataon upang makapagparehistro at matiyak na makakaboto sila sa nalalapit na eleksiyon.
Bukod sa registration ng mga bagong botante, maaari ring magtungo sa mga city, district o municipal office ng Comelec ang mga nais na mag-apply para sa transfer at transfer with reactivation ng record, reactivation ng record, change o correction ng information, inclusion o reinstatement ng record sa voter’s list, simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Sabado.
Tiniyak naman ni Jimenez na bukas din ang mga tanggapan ng Comelec kahit holiday.
Nilinaw naman ni Jimenez na hindi kasama sa magbubukas ng registration ang Marawi City, na isinasailalim pa rin sa rehabilitasyon.
Nabatid na ang voter’s registration ay hanggang sa Setyembre 29, 2018 lang.
Inihayag din ni Jimenez na hanggang Setyembre 30, 2018 naman makapagpaparehistro ang mga overseas voters.
Samantala, sinabi ni Jimenez na suspendido pa rin hanggang ngayon ang pag-iimprenta ng Comelec ng voter’s ID, kaugnay ng napipintong pagpapatupad ng National ID System ngayong taon.
Sa ilalim ng National ID System, mag-iisyu ang gobyerno ng iisang ID na lamang na magagamit ng publiko sa lahat ng transaksiyon sa pamahalaan.
Nilinaw naman niyang maaari pa ring makaboto ang registered voters kahit walang voter’s ID. (Mary Ann Santiago)