SIMULA nang dumami ang naglagay ng closed-circuit television (CCTV) sa kanilang mga lugar, ay kabilang ako sa mga umasang malaki ang maitutulong nito sa mga imbestigador sa pagsugpo ng kriminalidad sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na rito sa Metro Manila.
Noong 2014 inumpisahan ang malawakang paggamit ng CCTV sa buong bansa, bilang tugon sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG), at ayon sa tala ng National Capital Region Police Office (NCRPO), dito sa Metro Manila ay malaki ang ibinaba ng kriminalidad sa mga lugar na may CCTV.
Bukod sa “prevention”, malaking bagay rin sa kalutasan ng krimen na naganap sa isang lugar na 24 / 7 kung “natatanuran” ng CCTV camera -- basta lang ba masipag ang mga imbestigador ng pulis sa pag-follow-up sa ebidensiyang kita sa CCTV video.
Teka muna – dito sa Metro Manila ay sangkaterba na ang napanood kong CCTV at cell phone video ng mga krimeng naganap, karamihan ay pagnanakaw at mga pagpatay, ngunit tila wala akong napapanood o nababasang balita na napaghuhuli ang mga kriminal na ito, na kitang-kita ang mga mukha sa mga kuhang CCTV video!
Oo nga’t may ilang naaresto ang mga pulis dahil sa nag-viral ang video sa social media at may nakakilala sa mga suspek, ngunit ang ipinupunto ko rito, ay paano na ang kaso kung walang nakakilala sa video? Maisasama na lang ba ito sa gabundok na estadistika ng “unsolved crimes”?
Nangyare? Saan napunta ang tikas at galing ng ating mga imbestigador na pulis sa ngayon na napaliligiran ng mga makabagong gadget – gaya ng mga video at litrato na kuha ng mga CCTV, smart phones at tablet -- sa paglutas nila sa kaso?
Nasobrahan yata sa pagdepende sa mga “walk-in” na impormante at sobrang umasa sa impormasyong nakukuha sa “social media” kaya tuloy tila nakalimutan na o baka naman talaga lang kulang sa proper training sa “basic police investigation” kaya palaging walang solusyon kapag walang “WALK-IN” na impormante na may dalang impormasyon!
Ang sinasabi kong pag-iimbestiga ay ‘yong pag-develop ng maliit na impormasyon upang maging ganap na ebidensiya para makilala at makasuhan ang suspek sa isang krimen kahit na walang impormante. Gaya ng mga halimbawang ito na personal kong nasaksihan na ginawa ng mga beteranong imbestigador na palagi kong nasasamahan sa kanilang mga operasyon noon: Bakas ng sapatos sa crime scene; napulot na bracelet ng relos 10 metro ang layo mula sa bangkay ng murder victim; bakas ng dugo sa seat cover na iniwan sa junk shop; natunton at nahukay na mga ibinaong bangkay ng dalawang Hapones mula sa pinagtagni-tagning kuwento ng mga huling kasama nito; bakas ng gulong ng get-away vehicle ng mga suspek na pumarada sa crime scene; at marami pang iba. Kukulangin ang aking espasyo kapag isinulat ko ang mga ito.
Ito lamang pinaka-huling insidente ng pagpatay sa Cainta, Rizal – pag-ambush at pagbaril sa isang abogado at security guard na “to the rescue” sana sa nagaganap na krimen – ay maraming umaasa na malulutas agad dahil sa sobrang linaw ng video na pagkakakilanlan ng apat na gunmen.
Nag-viral na ang video sa social media kaya sa tingin ko ay kampante na ang mga imbestigador na may magwo-WALK-IN na impormante at malulutas na nila ang kasong ito ng pagpatay – yun lang sana ‘di agad naka-igtad sa malayong lugar ang mga KILLER kapag nakita nilang pinagpipiyestahan na ang mga litrato nila sa FACEBOOK. At kapag nangyari ito – ang isisigaw ko nang paulit-ulit: “Ibalik sa Grade 1 ang mga imbestigador!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.